Lunes, Disyembre 21, 2020

ANG MAGANDANG BALITA NG PASKO

25 Disyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 


Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Banal na Sanggol na si Hesus. Si Hesus, ang Banal na Sanggol na ipinagnanak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko, ang dahilan kung bakit mayroong saysay at kahulugan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Si Hesus ang dahilan kung ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ang napakahalaga. Tanging si Hesus lamang ang nagbibigay ng kahulugan sa pagdiriwang ng Pasko. Ang pagdiriwang ng Pasko ay walang saysay kung wala si Hesus. 

Kaya naman, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas habang buong tuwa't galak nating ipinagdiriwang ang araw na ito. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pasko. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Ang Banal na Sanggol na nakahiga sa sabsaban ay ang ipinangakong Manunubos. Ang Banal na Sanggol na ito ay walang iba kundi ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa para sa araw na ito na lalong palalimin ang ating pagninilay sa dahilan ng pagdiriwang ng Pasko na walang iba kundi ang pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa pagdating ng isang sugo. May dahilan kung bakit darating ang sugong ito. Darating siya upang ipahayag ang magandang balita ng kapayapaan (Isaias 52, 7). Ang magandang balitang ito ay tungkol sa isang biyayang ipagkakaloob ng Diyos. Ang biyayang ito ay ang kaligtasan (Isaias 52, 10). Ang pagliligtas ng Panginoon ay mahahayag. Nahayag nga ang kaligtasang hatid ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. 

Ang Panginoong Hesukristo ay ipinakilala sa Ebanghelyo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa pamamagitan nito, nagsimula ang Ebanghelyo ni San Juan. Inilaan ni San Juan ang simula ng kanyang Ebanghelyo sa pagpapakilala kay Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Banal na Sanggol na isinilang noong unang Pasko ay ang mismong Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Dagdag pa ni San Juan, ang Salita ng Diyos ay Diyos rin. Isa lang ang ibig sabihin nito - ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Salita. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito noong unang Pasko sa pamamagitan ng Salita - maghatid ng kaligtasan sa lahat. 

Nakasentro sa misteryong ito tungkol sa Panginoong Hesus ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga salitang ito ay ang mga unang salita ng Sulat sa mga Hebreo. Sabi niya nagsalita ang Diyos noong una sa pamamagitan ng mga propeta ng Lumang Tipan. Subalit, pagsapit ng itinakdang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak (Hebreo 1, 1-2). Iyan ang ating ginugunita habang buong galak nating ipinagdiriwang ang Pasko. Dumating sa daigdig na ito ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak upang tayo'y makapiling, malapitan, makausap, at iligtas. 

Isang magandang balita ang ipinaparating ng Simbahan sa bawat isa sa atin habang ipinagdiriwang natin ang Pasko nang buong tuwa't galak. Ang Diyos ay nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, at dumating sa daigdig upang tayo'y iligtas. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban ang patunay na totoo nga ang magandang balitang ito. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao upang maghatid ng kaligtasan sa lahat. Iyan ang magandang balita ng Pasko. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento