25 Disyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14
"Ngayong Pasko, magdiriwang ang mundo.
Sa pag-ibig Mo'y may himala,
may panibagong simula.
Ngayong Pasko, babalik ang saya
dahil Ikaw ang Liwanag at Ligaya.
Ikaw lang, Ikaw lang, Ikaw ang Liwanag at Ligaya.
Ikaw lang, Ikaw lang ang Liwanag at Ligaya."
Ang mga salitang ito ay ang mga titik ng koro ng awiting ginamit ng ABS-CBN sa kanilang Station ID para sa panahon ng Kapaskuhan ngayong taon. Ang pamagat ng nasabing awitin ay "Ikaw ang Liwanag at Ligaya". Kung titingnan natin nang mabuti ang mga titik na ito, tila relihiyoso ang tono nito. Bagamat ito'y isang sekular na awitin at hindi maaaring gamitin sa liturhiya, napakaganda ang mensaheng nais iparating nito. Ang Liwanag at Ligaya ng Pasko ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban na si Kristo.
Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Misa sa Hatinggabi ng Pasko ng Pagsilang kung paanong ang Panginoon ay ang tunay na liwanag at ligaya. Sa simula ng Unang Pagbasa, inilarawan kung ano ang ihahatid ng Panginoon sa Kanyang pagdating. Inilarawan ni propeta Isaias na ang kadilimang babalot sa lupain ay sisinagan ng isang malaking liwanag. Ang kadilimang laganap sa buong lupain ay papawiin ng liwanag na ito. Dagdag pa ni propeta Isaias na ang lahat ng mga taong nakatira sa lupaing iyon ay mapupuno ng saya at sigla dahil sa kahanga-hangang gawang ito ng Diyos (Isaias 9, 1-2). Napakalinaw ang paglarawan ni propeta Isaias sa Panginoon bilang liwanag at ligaya. Ang Panginoong Diyos mismo ang papawi sa dilim na bumabalot sa Kanyang bayan at maghahatid ng ligaya sa lahat. Dahil sa Panginoon, ang lahat ng mga taong nakatira sa bayang tinukoy ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ay mamumuhay nang may liwanag at tuwa. Siya ang liwanag at ligaya ng mga taong inilarawan ni propeta Isaias.
Subalit, ang pahayag ni propeta Isaias ay hindi nagtapos doon. Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan niya kung paanong ang Panginoon ay maghahatid ng liwanag at ligaya sa mga taong iyon. Inilarawan ni propeta Isaias kung paanong ipapakita ng Panginoon na Siya ang liwanag at ligaya ng lahat sa ikawalang bahagi ng Unang Pagbasa. Isang sanggol na lalaki ang ibibigay ng Diyos (Isaias 9, 5). Patutunayan ng Diyos sa pamamagitan ng lalaking sanggol na ito na Siya ang Liwanag at Ligaya. Ibibigay ng Panginoon ang Kanyang sarili upang maging Liwanag at Ligaya ng lahat.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa ipinangakong lalaking sanggol na ibibigay ng Diyos sa lahat. Ang lalaking sanggol ay walang iba kundi ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Ang sanggol na tinukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya ay walang iba kundi si Hesus. Si Hesus ay pumarito sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Ang kaligtasang kaloob ng Diyos sa lahat ay dumating sa daigdig na ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Sa pamamagitan ng pagligtas sa lahat, pumasok sa daigdig ang liwanag at ligayang hatid ng Diyos. Patunay lamang ito na ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon.
Sa Ebanghelyo, buong tuwang ibinalita ng isang anghel sa isang grupo ng mga pastol sa parang ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Hesus sa mga pastol, buong tuwang umawit ang isang hukbo sa langit sa Diyos (Lucas 2, 9-14). Ibinahagi ng anghel ang tuwang hatid ng Panginoong Hesukristo sa mga pastol na ito. Isang magandang balita ang inihatid ng anghel sa mga pastol na nag-aalaga ng kanilang mga tupa noong gabing iyon. Buong tuwa't sayang ibinalita ng anghel sa mga pastol na ito ang pagdating ng tunay na liwanag at ligaya sa daigdig. Ang tunay na liwanag at ligaya ay nagmula sa langit. Ang tunay na liwanag at ligaya ay walang iba kundi ang Panginoon. Siya'y dumating sa mundong ito noong gabi ng unang Pasko sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo.
Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko matapos Siyang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay ang tunay na Liwanag at Ligaya ng Pasko. Siya ay dumating sa daigdig upang ipalaganap ang liwanag at ligayang kaloob Niya. Ang tunay na Liwanag at Ligaya ay mayroong Pangalan. Hesus ang Kanyang Pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento