23 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikawalong Araw
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66
Ano bang mayroon sa pangalan? Bakit ba tayo binibigyan ng pangalan? Bakit pinili ng ating mga magulang ang ating mga pangalan? May ibig sabihin ba ang mga ito? Ilan lamang iyan sa mga katanungang paminsan-minsang pumapasok sa ating isipan. May mga pagkakataon kung saan napapatanong kung bakit ang kasalukuyan nating pangalan ay ibinigay sa atin. May mga sandali kung saan napapaisip tayo tungkol sa mga pangalang maaari sanang ipinangalan sa atin. Bukod sa ating mga pangalan na ibinigay sa atin ng ating mga magulang noong tayo'y isilang, paminsan-minsan rin nating iniisip kung ano kaya ang magiging iba sa ating buhay kung iba ang ipinangalan sa atin. Maaaring maging malaki o di kaya maliit. Lalo na kung ito yung gusto ipangalan sana sa atin.
Bukod pa sa pag-iisip tungkol sa alternatibong realidad kung saan tayo'y may ibang pangalan, lalo na ang mga pangalan na mas gugustuhin natin, may mga pagkakataon kung saan iniisip natin ang kahalagahan ng pangalan. Ano nga ba ang mayroon sa pangalan? Bakit tayo binibigyan ng pangalan? May ibig sabihin ba ang mga pangalang ibinigay ng ating mga magulang sa atin? Kung tutuusin, maraming sagot sa ating mga tanong tungkol sa mga sarili nating pangalan at pati na rin tungkol sa pangkalahatang konsepto ng mga pangalan.
Dalawang pangalan ang itinatampok sa mga Pagbasa para sa Ikawalong Araw ng Simbang Gabi. Ang dalawang pangalang itinampok sa mga Pagbasa para sa araw na ito ay ipinagkaloob sa dalawang lalaking hinirang ng Panginoong Diyos upang gampanan ang isang napakahalagang misyon o tungkulin. Ang unang pangalang itinampok ay ang pangalan ng propetang si Elias na matatagpuan sa huling bahagi ng Unang Pagbasa at ang pangalawang pangalang ipinakilala at binigyan ng pansin ay ang pangalan ni San Juan Bautista sa Ebanghelyo. May pahiwatig ang kahulugan ng kanilang mga pangalan sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon. Ang kahulugan ng pangalang "Elias" ay "Ang Diyos ko ay ang Panginoon" at ang pangalang "Juan" ay nangangahulugang "Ang Diyos ay mapagpala." Malinaw na ipinapahiwatig ng kanilang mga pangalan ang dahilan kung bakit sila isinilang sa daigdig.
Kung tutuusin, dalawang ulit na inilarawan ang papel ni San Juan Bautista sa pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa. Si San Juan Bautista ay ang maghahanda sa daraanan ng Panginoon (Malakias 3, 1). Iyan ang dahilan kung bakit siya isinilang anim na buwan bago ipanganak si Kristo. Iyan ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit siya isinilang. Si San Juan Bautista ay isinilang upang mauna sa ipinangakong Mesiyas na si Hesus at ihanda ang Kanyang daraanan. Si Juan Bautista ay isinilang upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Tagapagligtas. Sa huling bahagi ng pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa, si San Juan Bautista ay ipinakilala bilang si propeta Elias. Bagamat hindi siya ang literal na propeta Elias, siya'y tumayong sagisag ni propeta Elias. Sabi pa nga ng anghel noong siya'y nagpakita kay Zacarias na tataglayin ni San Juan Bautista ang kapangyarihan at espiritu ni propeta Elias (Lucas 1, 17). Tinaglay ni San Juan Bautista ito sa kabuuan ng kanyang misyon bilang tagapaghanda ng daraanan ng Manunubos. Ang Mabuting Balita mula sa Panginoon na pinaglingkuran niya nang lubos ay walang sawa niyang inihayag sa kanyang pangaral sa ilang. Sa pamamagitan nito, si San Juan Bautista ay naging isang buhay na biyaya mula sa Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalang "Juan" ay ibinigay sa kanya bago pa man siya isilang sa mundong ito. Ang pagiging mapagpala ng Diyos ay pinatotohanan ni San Juan Bautista nang buong sigasig sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang misyon.
Si San Juan Bautista ay ipinanganak sa daigdig na ito upang tuparin ang isang napakahalagang misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos. Siya'y isinilang upang ihanda ang daraanan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Isang napakalinaw na pahiwatig ng kanyang misyon dito sa lupa ang kanyang pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento