Linggo, Disyembre 20, 2020

SANGGOL NA HESUS: TINAPAY NG BUHAY AT HARI NG MGA HARI

25 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 



Ang kahulugan ng "Betlehem" sa wikang Hebreo ay "Tahanan ng Tinapay". Ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito kung saan isinilang ng Mahal na Birheng Maria ang Banal na Sanggol na si Kristo Hesus ay marapat lamang bigyan ng pansin habang patuloy nating pinagninilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng ipinangakong Tagapagligtas. Ang pangalan ng bayang ito na kilala bilang bayan ni Haring David ay nangangahulugang "Tahanan ng Tinapay." Ang lugar na ito ay pinili ng Diyos upang maging bayan kung saan isisilang sa daigdig ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay ang "Tinapay ng Buhay." Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Tanging Siya lamang ang nakapagbibigay ng buhay sa lahat. Ang mga kagutumang hindi kayang pawiin ng mga pagkain sa daigdig ay mapapawi ng Panginoong Hesukristo. Katunayan, sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, paulit-ulit Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili sa Kanyang mga tagasunod bilang tunay na tinapay na nagmula sa langit. Matapos Niyang pakainin ang limanlibong tao at maglakad sa ibabaw ng tubig, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkaing ipinagkaloob ng Amang nasa langit. Sabi pa ni Hesus na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga kakain ng Kanyang laman at iiinom ng Kanyang dugo. Hindi man ito naintindihan o tinanggap ng karamihan sa Kanyang mga tagasunod, pinanindigan pa rin ni Hesus ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Kahit na ito ang naging dahilan kung bakit karamihan sa Kanyang mga tagasunod noon ay tumalikod sa Kanya at umalis na lamang, nanatili pa rin ang turong ito ni Hesus. 

Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang bukod tanging dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay na walang iba kundi ang Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Kung tutuusin, ang mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa Bukang-Liwayway ng Pasko ng Pagsilang. Subalit, kahit napakaikli ng mga Pagbasang ito, mayroon tayong mapupulot na impormasyon tungkol sa dahilan kung bakit ang Tinapay ng Buhay ay dumating sa daigdig noong unang Pasko. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na Siya ay darating upang iligtas ang Herusalem (Isaias 62, 11). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang dahilan kung bakit Niya ito gagawin. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Panginoon na iligtas ang Kanyang bayan ay pag-ibig. Ang Panginoon na rin mismo ang nagpahiwatig nito noong inilahad Niya ang mga pangalang itatawag sa Herusalem sa nasabing bahagi ng Unang Pagbasa (Isaias 62, 12). Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang Kanyang bayan. 

Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Diyos ay ang sentro ng pangaral o mensahe ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita si Apostol San Pablo sa pangaral na ito tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang lahat. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit dumating sa daigdig noong gabi ng unang Pasko ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Ina. Ang Banal na Sanggol na ito ay ang Tinapay ng Buhay na si Hesus. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol na si Kristo. Matapos ibalita ng anghel ang pagsilang ni Kristo at magpuri ang hukbo ng kalangitan, ang mga pastol ay nagpasiyang pumunta sa Betlehem upang dalawin ang Sanggol na kilala rin bilang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay. Matapos tumungo sa Betlehem upang tingnan ang mga sinabi ng anghel sa kanila, sila'y umuwing nagpupuri sa Diyos. Habang umuuwi ang mga pastol, pinuri nila ang Panginoon sapagkat dumating na rin sa wakas ang ipinangakong Tagapagligtas. Pinuri nila ang Diyos dahil inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at awa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang Sanggol na si Kristo ay ang ipinangakong Manunubos na ipapadala ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, ang pag-ibig at habag ng Diyos ay nahayag. Si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari, upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Maria sa gabi ng unang Pasko ay ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari na magliligtas sa lahat ng tao. Tinupad ng Diyos sa pamamagitan Niya ang Kanyang pangako. Ipinangako Niyang Siya'y darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang pangakong ito ay tinupad ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Hari ng mga Hari. Sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesus, ang Hari ng mga Hari at Tinapay ng Buhay, ang Diyos ay dumating sa lupa upang tubusin ang sangkatauhang tunay Niyang iniibig at kinahahabagan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento