Biyernes, Disyembre 11, 2020

PANAGINIP AT PANGARAP

18 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikatlong Araw
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 



"It's alright!
Daijoubu, Daijoubu, Daijoubu
(It's alright, it's alright, it's alright)
Kiseki Datte Okuseru (Miracles can happen).
Here we go! 
Ikou yo, ikou yo, ikou yo, tsubasa hiroge
(Here we go, here we go, here we go, spread your wings).
Kitto nani ka ga nani ka ga doko da de deaeru hi o matteru
(I'm sure something, something, is out there somewhere,
just waiting for us to find it
).
Do! Do! Do! Dreaming! Dreaming! 
Soshite tobira ga hiraku yo (And then the door will open)."

Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng isang awitin sa wikang Hapones na pinamagatang "Tobira Wo Akete" (Open the Door). Ito ang ikalawang Opening Song ng isang anime series na pinamagatang Cardcaptor Sakura. Marahil ay natatandaan pa ng mga batang ipinanganak noong dekada 90 ang anime na ito. Isa ito sa mga anime na ipinalabas sa ABS-CBN noon. Ang anime na ito ay tungkol sa isang batang babae na nagngangalang Sakura Kinomoto na bigla na lamang naging isang Cardcaptor mula noong ang mga barahang tinatawag na Clow Cards ay nagkalat sa bayan kung saan siya'y nakatira. 

Isa sa mga salitang nararapat na bigyan ng pansin sa koro ng awiting ito ay ang salitang "dreaming." Ingles ang salitang ito. Sa Tagalog, dalawa ang ibig sabihin ng salitang ito. Ang "dreaming" sa Ingles ay nangangahulagang "nangangarap" o "nananaginip" sa Tagalog. Sa Ikatlong Araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, magandang pagnilayan ang dalawang salitang ito, panaginip at pangarap, sa konteksto ng mga Pagbasa, lalo na ng Ebanghelyo. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtanggap ni San Jose sa responsibilidad na ibinigay sa kanya ng Diyos. Hinirang siya ng Diyos upang maging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Bago niya tinanggap ang pananagutang ito mula sa Diyos, si San Jose ay labis na nasaktan sapagkat nabalitaan niyang nagdadalantao ang Mahal na Inang si Maria nang hindi pa niya napapangasawa. Siguro, may mga pangarap si San Jose para sa kanilang dalawa ng Mahal na Inang si Maria. Subalit, tila gumuho ang mga pangarap na ito dahil bigla na lamang nabuntis si Maria nang hindi pa kinakasal. Dahil dito, labis na nalungkot si San Jose. Sabi pa sa Ebanghelyo na ipinasiya ni Jose na hiwalayan si Maria nang palihim upang hindi mapahiya ang babaeng pakakasalan niya sana (Mateo 1, 19). Masakit itong gawin para kay San Jose dahil magpapaalam siya sa kanyang mga pangarap dahil hindi na niya matutupad ang mga pinangarap niyang gawin kasama ang Birheng Maria. 

Lingid sa kaalaman ni San Jose na may pintong ibubukas ang Diyos para sa kanya. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, isang anghel ng Panginoong Diyos ay nagpakita sa panginip ni San Jose upang ihayag ang plano ng Diyos. Ang Diyos ay may plano para kay San Jose. Iniatasan ng Diyos si San Jose upang maging kabiyak ng Mahal na Inang si Maria at ama-amahan ng ipinangakong Tagapagligtas na si Hesus. Sa pamamagitan ng planong ito, matutupad ang pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa at ang propesiyang binaggit ni San Mateo sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Diyos na magmumula ang isang hari mula sa sangang matuwid na pasisibulin Niya mula sa lahi o angkan ni Haring David (Jeremias 23, 5). Ang haring iyon ay walang iba kundi si Kristo. 

Tila gumuho ang mga pangarap ni San Jose para sa kanilang dalawa ng Mahal na Birheng Maria. Subalit, sa pamamagitan ng isang panaginip, isang pinto ang binuksan ng Diyos para sa kanya. Sa pamamagitan ng isang panaginip, ang kalooban ng Diyos ay nahayag sa kanya. Sa katapus-tapusan, tinanggap ni San Jose ang pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos. 

Panaginip at pangarap. Mga pangarap na tila gumuho, subalit isang pinto ang binuksan. Ang nagbukas sa pintuang iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sa huli, naging maayos ang lahat dahil sa Diyos. 

Huwag tayong mangamba. Huwag tayong panghinaan ng loob. Huwag tayong mag-alala. May plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin. Isang pintuan ang Kanyang ibubukas para sa atin. Ang pintuang bubuksan Niya para sa atin ay ang daan patungo sa katuparan ng Kanyang kalooban. Magiging maayos ang lahat sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento