Miyerkules, Disyembre 9, 2020

ANG SENTRO NG SIMBANG GABI

16 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Unang Araw 
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 



Tuwing sasapit ang gabi ng ika-15 ng Disyembre o ang madaling araw ng ika-16 ng Disyembre taun-taon, sinisimulan ng Simbahan sa Pilipinas ang masikat na kaugalian na tinatawag na Simbang Gabi. Ang Simbang Gabi ay ang siyam na araw na inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa paghahanda ng sarili para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa loob ng siyam na araw na ito, nagsisitungo sa mga Simbahan ang mga Pilipinong Katoliko upang ihanda ang kanilang mga sarili para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. 

Hindi lamang ang mga Misa para sa siyam na araw o gabi ng tradisyunal na kaugalian na tinatawag na Simbang Gabi ang sentro ng atensyon ng karamihan sa loob ng siyam na araw o gabing ito bago sumapit ang Kapaskuhan. Sa mga nagdaang taon (na wala pang pandemiya), ang mga taong dumalo sa mga Misa para sa siyam na araw o gabi ng Simbang Gabi ay matatagpuang kumakain sa labas ng mga Simbahan. Marahil ay kumakain ng mga pagkaing tulad ng puto bumbong o bibingka sa labas mismo ng Simbahan o 'di kaya kumakain sa mga fast food chain tulad ng Jollibee, McDo, o kaya Pancake House. 

Sa paglipas ng mga taon, lalo na sa mga taong walang pandemiya, dumadami ang mga taong dumadalo sa mga Misa para sa Simbang Gabi. May mga taong kasama ang kanilang mga kasintahan. Kung hindi man kasintahan ang kasama nilang magsimba, kasama nila ang kanilang kinukursunada at nais ligawan. May mga taong pumupunta sa Simbahan para makahanap ng kasintahan. Mayroon ring mga taong wagas kung makapagporma. Habang dumadami ang mga taong dumadalo sa Simbang Gabi, masasabi nating dumadami ang iba't ibang mga gimik tuwing sasapit ang tradisyunal na siyam na umaga o gabing ito. 

Wala namang masama sa paghahanap ng kasintahan o pagliligawan. Hindi rin masama ang kumain pagkatapos ng Misa para sa siyam na umaga o gabi ng Simbang Gabi. Subalit, ang problema na lamang ay kapag ang isa sa mga ito ang naging sentro ng atensyon o dahilan kung bakit dumadalo ang maraming tao sa mga Misa para sa siyam na umaga o gabi ng Simbang Gabi. Kapag may ilang taong nagsabi na dumadalo sila sa mga Misa para sa Simbang Gabi para lamang kumain ng puto bumbong, makipagligawan, makipaglandian o 'di kaya humanap ng kasintahan, isa na iyang malaking problema. 

Bakit idinadaos ang Simbang Gabi? Sino o ano ang dapat maging sentro ng atensyon sa Simbang Gabi? Ipinaliwanag sa mga Pagbasa ang tunay at kaisa-isang dahilan kung bakit mayroong Simbang Gabi. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Ang panahon kung kailan ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan ay malapit na (Isaias 56, 1). Nalalapit na ang pagsapit ng panahong ililigtas ng Panginoong Diyos ang Kanyang bayan. Tinupad nga ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad Niya ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Inihayag ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Kanyang mga gawa ang nagpapatotoo at nagpapatunay na Siya'y tunay ngang isinugo ng Diyos Ama (Juan 5, 36). Ginawa Niya ang mga ipinagagawa sa Kanya ng Ama upang patunayan ang katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga pangako. Hindi nakalimutan ng Banal na Santatlo ang pangakong binitiwan.  

Malinaw na itinuturo ng mga Pagbasa para sa unang araw ng Simbang Gabi kung bakit idinadaos ang mga Misa sa loob ng siyam na araw na ito. Hindi ito tungkol sa mga pagkaing katulad na lamang ng puto bumbong o bibingka. Hindi rin ito tungkol sa paghahanap ng kasintahan, pagliligawan, o pakikipaglandian. Bagkus, ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay tungkol sa Panginoong Hesus, ang Sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. 

Isa lamang ang sentro ng Simbang Gabi. Si Kristo, ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating sa daigdig. Sa pamamagitan ni Kristo na dinala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, dumating ang Diyos sa daigdig upang iligtas ang Kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Maria, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay dumating sa daigdig. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento