Biyernes, Disyembre 18, 2020

REGALONG SUMASALAMIN SA KANYANG AWA

24 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 



Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Bisperas ng Pasko ng Pagsilang ang nag-iisang dahilan kung bakit isinilang ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong gabi ng unang Pasko. Kahit na ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay ipinagdiriwang natin bilang isang Simbahan tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre taun-taon, magandang pagnilayan muli ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahang ito. Kahit ilang ulit na nating narinig na si Kristo ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Pasko sa tuwing pagninilayan natin ang misteryo ng panahong ito, marapat lamang na gawin ito muli upang lalo nating makita ang kagandahan ng Kapaskuhan. Kahit paulit-ulit na ito para sa karamihan, magandang pagnilayan muli kung paanong si Kristo ang naging dahilan ng Kapaskuhan upang lalo tayong mamangha sa misteryo ng Kanyang pagkakatawang-tao na inaaalala natin sa panahong ito. 

Maraming beses na natin sigurong naririnig sa ilang mga pagninilay at maging sa ilang mga mensahe tuwing panahon ng Kapaskuhan ang linyang si Kristo ang dahilan ng nasabing pagdiriwang. Tama naman iyon at hindi na ito dapat tanungin. Subalit, tila nauumay na ang karamihan sa atin na marinig ito. Parang nakakaumay na para sa ilan sa atin ang mga salitang ito tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan. Parang gusto na nating tanungin kung mayroon bang bagong sasabihin. Parang gusto nating sabihin na alam na nating si Kristo ang sentro at dahilan ng pagdiriwang ng Pasko dahil kaarawan naman Niya iyon. Bilang isang Simbahan, ginugunita at ipinagdiriwang natin nang buong saya ang pagsilang ni Kristo tuwing ika-25 ng Disyembre.

Oo, paulit-ulit nating naririnig tuwing sasapit ang panahong ito ang mga linyang si Kristo ang dahilan ng pagdiriwang ng Pasko. Subalit, magandang pagnilayan ang dahilan kung bakit nga ba si Kristo ay naging dahilan at sentro ng Pasko. Bakit mahalagang matandaan natin ang katotohanang ito, na ang sentro at dahilan ng Pasko ay si Kristo, bukod sa dahilan na ginugunita tuwing Pasko ang Kanyang pagsilang sa daigdig na ito bilang isang sanggol? Bakit nga ba Siya isinilang? Bakit Siya pumarito bilang isang sanggol sa gabi ng unang Pasko? 

Isang salita ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Makakatulong sa ating pagninilay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ang salitang ito upang lalo nating maunawaan ang dahilan kung bakit si Hesus ay isinilang noong gabi ng unang Pasko. Ang salitang ito na pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa ay makakatulong sa atin upang lalo tayong maakit sa ganda ng pagdiriwang ng Kapaskuhan kung saan ginugunita natin ang pagkakatawang-tao ni Hesus. Ang salitang iyon ay walang iba kundi kaligtasan. 

Sabi sa simula ng Unang Pagbasa, "Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Herusalem. Hindi ako tutugon hangga't hindi siya naliligtas" (Isaias 62, 1). Ang mga salitang ito ay may pahiwatig tungkol sa kaloob ng Panginoon sa Kanyang bayan. Napakaespesyal ng Kanyang hatid sa Kanyang bayan. Kaligtasan ang ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang biyayang ito ay inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, sinabi niya na ang ipinangakong Tagapagligtas na ipinagkaloob ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo (Mga Gawa 13, 23). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang pagsilang ipinangakong Manunubos na si Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, dumating ang biyaya ng kaligtasan. Iniligtas ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Ang Mahal na Inang si Maria ay nagsilang ng isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Ang sanggol na iyon ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan na walang iba kundi si Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birhen, ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito. Isang sanggol ang isinilang ng Mahal na Ina upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. 

Bakit si Kristo ang dahilan at sentro ng Pasko? Bakit Siya isinilang sa daigdig na ito noong gabi ng unang Pasko? Iyon ay sapagkat dumating ang pinakadakilang regalo mula sa Diyos sa pamamagitan Niya. Ang regalo ng Diyos na dumating noong gabi ng unang Pasko ay ang biyaya ng kaligtasan. Ibinigay Niya sa lahat ang Tagapagligtas na si Hesus noong gabi ng unang Pasko dahil niloob Niyang tubusin ang sangkatauhan. Ang Banal na Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria ay ang ipinangakong Tagapagligtas na kaloob ng Diyos sa lahat. Ang Kanyang Pangalan ay Hesus. Ang ipinangakong Manunubos na iniregalo ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao noong gabi ng unang Pasko ay sumasalamin sa Kanyang awa at habag.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento