Martes, Disyembre 1, 2020

ALIW AT PAG-ASA

6 Disyembre 2020 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 40, 1-5. 9-11/Salmo 84/2 Pedro 3, 8-14/Marcos 1, 1-8 



Ang panahon ng Adbiyento ay inilaan sa paghihintay at paghahanda para sa pagdating ng Panginoon. Tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento, ang bawat isa sa atin ay pinaaalalahanan na may darating. Darating ang Panginoon. Kaya naman, dapat nating ihanda ang ating mga sarili habang hinihintay natin ang Kanyang maluwalhating pagdating. Kailangan nating ihanda ang ating mga sarili sa panahong ito ng Adbiyento upang tayo'y maging marapat na sumalubong sa butihing Panginoon na nangakong darating. 

Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na panatilihin ang sigla sa ating paghihintay at paghahanda ng sarili. May mga pagkakataon sa buhay kung saan tayo ay naghihintay at naghahanda. Subalit, bigla na lamang tayo nanlalamig at nawawalan ng gana. Nakakalimutan na natin kung ano ang ating pinaghahandaan. Dahil diyan, nawawalan tayo ng motibasyon na maging handa at alisto sa panahong ito ng Adbiyento. Tinatanong natin kung may silbi pa ang ginagawa nating paghihintay at paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento. Marahil nawawalan rin ng pag-asa ang ilan sa atin. 

Kung tutuusin, isa lamang ang tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Bukod sa pagtalakay tungkol sa pagdating ng Panginoon, ipinapakilala Siya sa mga Pagbasa bilang tagaaliw ng bawat isa. Iyan ang temang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Ang ating hinihintay at pinaghahandaan sa panahon ng Adbiyento ay walang iba kundi ang Panginoon na naghahatid ng aliw. Aliw ang hatid ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa Kanyang pagdating. 

Sa Unang Pagbasa, tinalakay ang pagdating ng Panginoon. Ang Panginoon ay darating upang kalingain, patnubayan, ingatan, at iligtas ang Kanyang kawan. Iyan rin ang tinalakay ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Sabi pa nga ni Apostol San Pedro na ang Panginoon ay may ipinangakong bagong langit at bagong lupa (2 Pedro 3, 13). Sa Ebanghelyo, nangaral si San Juan Bautista sa lahat ng mga taong taga-Herusalem at taga-Judea na nagtungo sa ilang upang pakinggan siya. Siya'y nangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos upang ihanda sila para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Hesus. Si Kristo ang ipinangakong Tagapagligtas na darating. 

Isa lamang ang layunin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tulungan tayong umasa sa Panginoon. Aliwin ang bawat isa sa atin. Palakasin ang ating mga puso at kalooban. Palakasin ang ating pag-asa sa Panginoon. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na ang hinihintay at pinaghahandaan natin sa panahong ito ay ang Panginoong nagbibigay ng aliw at pag-asa. 

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Huwag tayong panghinaan ng loob. May nangakong darating. Ang Panginoon ay nangakong darating. Tutuparin Niya ang Kanyang pangako. Ang naghahatid ng aliw at pag-asa ay laging tumutupad sa pangako. Habang hinihintay natin ang katuparan ng pangako ng Panginoon, ating ihanda ang ating mga sarili buong puso't kaluluwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento