28 Disyembre 2020
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18
Mapapatanong siguro ang karamihan kung bakit ang Kapistahang ito ay bahagi ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Para sa karamihan, hindi naaayon o naaangkop na alalahanin ang isang malungkot na pangyayari. Puno ng karahasan ang pangyayaring ginugunita natin sa Pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Bakit nga ba ipinagdiriwang natin ang Kapistahang ito sa panahong inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang nang buong saya ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos?
Ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahang ito sa loob ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ay ipinaliwanag sa mga Pagbasa. Ang mga sanggol na lalaki at maging ang mga batang lalaki mula isa hanggang dalawang taong gulang sa Betlehem at sa mga malalpit na lugar ay walang awang pinaslang ni Haring Herodes dahil sa Sanggol na si Kristo. Ang dahilan kung bakit ipinaslang ang mga inosenteng sanggol na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas.
Dalawang hari ang ipinapakilala at itinatampok sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang unang hari ay si Haring Herodes. Uhaw na uhaw siya sa kanyang kapangyarihan. Hindi niya matanggap na may mas dakila kaysa sa kanya. Ayaw niyang bitiwan o pakawalan ang kanyang kapangyarihan. Siya'y nasilaw sa kapangyarihan at kayamanan. Labis siyang napraning nang mabalitaan niyang isinilang ang Banal na Sanggol. Dahil dito, ipinapatay niya ang lahat ng mga inosenteng sanggol sa Betlehem. Ayaw niyang maalis mula sa kanyang posisyon o antas bilang hari. Ang pangalawang hari naman ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sinabi ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral Unang Pagbasa na si Hesus ay "ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao" (1 Juan 2, 2). Si Hesus ay dumating sa mundo upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Siya ang haring tunay na umiibig sa Kanyang mga pinaghaharian. Sa kabila ng mga salang nagawa ng sangkatauhan laban sa Kanya sa kasaysayan, minahal pa rin Niya ang sangkatauhan. Katunayan, patuloy pa ngang minamahal ni Kristo ang sangkatauhan sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdating bilang Tagapagligtas, pinatunayan Niya ang Kanyang pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit Siya isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko.
Sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, tayong lahat ay iniiwanan ng isang tanong. Sinong hari ang pipiliin at papanigan mo? Suriin at pagnilayan natin ito nang taimtim at mabuti.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento