26 Disyembre 2020
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22
Sa unang tingin, nakakapagtaka at nakakagulat malamang ipinagdiriwang ang kapistahan ng isang santong martir sa mismong araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang. Inilaan ng Simbahan ang araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon sa pagdiriwang ng Kapistahan ng kauna-unahang santong martir ng Simbahan na si San Esteban. Mapapatanong ang marami kung bakit ang Kapistahan ng Unang Santong Martir ng Simbahan ay ipinagdiriwang sa araw pagkatapos ng Pasko ng Pagsilang.
Isinalaysay ang buhay at pagkamartir ni San Esteban sa Unang Pagbasa. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa katotohanan ng pagiging Kanyang mga saksi. Hindi magiging madali ang kanilang buhay. Sila'y makakaranas ng matinding pag-uusig dahil kay Kristo. Ang pagsaksi kay Kristo ay may kaaakibat na pagsubok, pagdurusa, at pag-uusig. Tila hindi naaayon o nababagay ang tono ng mga Pagbasa sa diwa ng Kapaskuhan. Bakit bahagi ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ang kapistahang ito? Hindi ba dapat tungkol sa pagsasaya ang walong araw na ito na inilaan ng Simbahan upang lalo pa nating ipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang? Bakit ang araw na kasunod ng Pasko ng Pagsilang ang siyang pinili ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang ang kagitingan at pagkamartir ni San Esteban?
Bagamat nakakalungkot at napakabayolente ang sinapit ni San Esteban, hindi niya ito pinagsisihan. Hindi niya pinagsisihang magpatotoo tungkol kay Kristo at manindigan sa kanyang pananampalataya bilang Kristiyano. Bagamat alam niya kung ano ang maaaring mangyari sa kanya, hindi nagpatalo sa takot at sindak si San Esteban. Bagkus, kusang hinarap at tinanggap ni San Esteban kung ano ang mangyayari sa kanya alang-alang sa Panginoon. Hindi pinagsisihan ni San Esteban ang kanyang paninindigan at pagsaksi kay Kristo, kahit na ang naging kapalit nito ay ang kanyang sariling buhay. Naging masaya si San Esteban sa gitna ng matinding pag-uusig at kamatayan dahil sa Panginoong Hesukristo. Sa harap ng matinding pag-uusig at kamatayan, si San Esteban ay naging masaya sapagkat inialay niya ang mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa lupa na puno ng pagtitiis at pagdurusa sa Panginoong Hesus.
Ganito rin ang ginawa ng Panginoong Hesukristo. Ipinasiya Niyang pumarito sa mundo upang tayo'y iligtas. Ipinasiya Niyang maging ating Tagapagligtas. Dahil diyan, Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa gabi ng unang Pasko. Kahit na alam Niya kung ano ang sasapitin Niya pagdating ng takdang panahon, pinili pa rin ni Hesus na gawin ito alang-alang sa atin. Iyan ang ating Tagapagligtas na si Hesus. Siya'y naparito upang tayo'y iligtas. Naparito Siya alang-alang sa atin.
Si Hesus ay naparito sa daigdig alang-alang sa ating lahat. Alang-alang sa ating lahat, pinili Niya tayong iligtas. Iyan ang dahilan kung bakit Siya'y dumating sa daigdig bilang isang sanggol noong gabi ng unang Pasko. Pinili naman ni San Esteban na mamatay bilang martir alang-alang kay Kristo. Ang tanong para sa bawat isa sa atin, handa ba tayong ihandog ang ating mga sarili kay Kristo? Handa ba tayong gawin ang lahat at tiisin ang lahat alang-alang kay Kristo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento