21 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikaanim na Araw
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45
Isa sa mga titulo ng Birheng Maria ay ang titulong Kaban ng Bagong Tipan. Ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi, ay nagsisilbing paliwanag kung bakit. Kung tutuusin, ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Elisabet nang dumating ang Mahal na Birheng Maria sa kanyang tahanan ay may sapat na detalye tungkol sa isang mahalagang pangyayari na naganap sa mga sandaling iyon.
May kinalaman ang dalawang sanggol na dinala ng Mahal na Inang si Maria at ni Elisabet sa kanilang sinapupunan sa mahalagang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Katunayan, ang mahalagang pangyayaring isinalaysay sa Ebanghelyo ay epekto ng Sanggol na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet ay gumalaw sa tuwa nang marinig ang pagbati ni Mahal na Ina (Lucas 1, 41. 44). Gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet dahil nakilala niya si Hesus na dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan. Ang Banal na Sanggol na si Hesus na dinala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan ay ang dahilan ng tuwa ni San Juan Bautista na noo'y isang sanggol sa loob ng sinapupunan ni Elisabet.
Kung paanong ang nagsalita sa Unang Pagbasa mula sa Awit ni Solomon ay napuspos ng tuwa nang marinig ang tinig ng minamahal, napuspos rin ng tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista dahil sa presensya ni Kristo na dinala ng Mahal na Birhen sa kanyang sinapupunan. Ang Panginoong Hesukristo ay ang bukod-tanging dahilan kung bakit ang titulong Kaban ng Tipan ay ginagamit ng Simbahan bilang isang titulo ng Mahal na Birheng Maria. Ang Banal na Sanggol na dala-dala ng Mahal na Birhen sa kanyang sinapupunan ay ang Panginoong dumating upang makapiling ang Kanyang bayan. Siya ang dahilan kung bakit sinabihan ang bayang Israel ay sinabihan ni propeta Sofonias na magalak. Ang Panginoon ay dumating upang makapiling ang Kanyang bayan (Sofonias 3, 15).
Bakit kinikilala ang Mahal na Ina bilang Kaban ng Bagong Tipan? Dahil dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Bagong Tipan na si Kristo. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus ay ang dahilan kung bakit ang Mahal na Ina ay ang Kaban ng Bagong Tipan. Sa pamamagitan ni Maria, dumating ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang maghatid ng galak sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento