13 Disyembre 2020
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Isaias 61, 1-2a. 10-11/Lucas 1/1 Tesalonica 5, 16-24/Juan 1, 6-8. 19-28
Tuwing sasapit ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento, ang bawat isa sa atin ay pinaaalalahanan ng Simbahan na magalak. Tayong lahat ay dapat matuwa at magalak habang hinihintay at pinaghahandaan ang pagdating ng Panginoon. Hindi dapat mapuno ng lungkot o inip ang ating paghihintay at paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon. Bagkus, ito ay dapat mapuno ng tuwa at galak. Dapat tayong matuwa at magalak sapagkat darating ang Panginoon.
Kung tutuusin, ang paghihintay at paghahanda ng sarili sa panahong ito ay tanda ng tuwa at galak. Ang paghihintay at paghahanda ng sarili ay sagisag ng ating paghahangad na masalubong ang Panginoon sa Kanyang pagdating. Isa lamang ang dahilan kung bakit dapat mapuno ng tuwa at galak ang ating paghihintay at paghahanda sa panahong ito - ang Panginoon. Ang Panginoon na hinihintay at pinaghahandaan natin sa panahong ito ay maghahatid ng tuwa't galak sa lahat ng mga naghihintay at naghahanda ng sarili para sa Kanyang maluwalhating pagdating nang buong galak at katapatan.
Ang sabi ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa: "Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin" (1 Tesalonica 5, 16). Inilarawan naman niya sa wakas ng Ikalawang Pagbasa ang nag-iisang dahilan kung bakit dapat magalak ang bawat isa: ang Diyos ay tapat (1 Tesalonica 5, 24). Ang bawat isa sa atin ay dapat mapuspos ng tuwa at galak sa ating paghihintay at paghahanda dahil tapat ang Diyos sa Kanyang pangako. Darating Siya upang iligtas ang bawat isa sa atin.
Matagal nang tapat ang Panginoong Diyos sa Kanyang mga pangako. Walang pangakong isinira o hindi tinupad ang Panginoon. Laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Isang halimbawa nito ay ang pagtupad sa pahayag sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Tinupad ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang pangakong inilarawan sa pahayag tungkol sa Kanyang lingkod sa Unang Pagbasa.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni San Juan Bautista na malapit nang dumating ang ipinangakong Mesiyas. Darating ang ipinangakong Mesiyas na kasunod niya. Lilitaw ang ipinangakong Manunubos. Si San Juan Bautista ang katibayan na nalalapit na ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nalalapit na ang panahong darating ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Darating ang Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus upang iligtas ang Kanyang bayan. Dumating si San Juan Bautista upang ihayag sa lahat na malapit nang matupad ang ipinangakong pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Isa lamang ang dapat nating tandaan habang tayo'y naghihintay at naghahanda para sa pagdating ng Panginoon - tapat Siya sa Kanyang mga pangako. Hindi Niya sinisira ang Kanyang mga pangako. Lagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako. Iyan ang dahilan kung bakit dapat tayo'y matuwa't magalak habang hinihintay at pinaghahandaan natin ang Kanyang pagdating.
Paano tayo makakapaghanda nang mabuti habang hinihintay natin nang may kagalakan sa ating mga puso't kaluluwa ang pagdating ng Panginoon? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na maging bukas sa Espiritu Santo, tanggapin ang Salita ng Diyos, at maging mabuti. Hayaan natin ang Panginoong Diyos na pabanalin ang bawat isa sa atin (1 Tesalonica 5, 19-23). Kung iyan ang ginawa natin, inihahayag natin ang ating katapatan sa Diyos. Ang mga tunay na naghahanda para sa pagdating ng Panginoon nang may tuwa't galak ay ang mga tunay na matapat sa Kanya hanggang sa huli.
Isa lamang ang ipinapaalala sa atin ngayong Linggo - ang Diyos ay tunay na matapat. Wala Siyang pangakong sinisira. Hindi Niya isinisira ang Kanyang mga pangako kailanman. Ang Kanyang mga pangako ay lagi Niyang tinutupad. Kaya naman, dapat nating hintayin at paghandaan ang pagdating ng Panginoon nang buong tuwa't galak. Ang ating tuwa't galak habang hinihintay at pinaghahandaan ang Kanyang pagdating ay tanda ng ating katapatan sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento