Lunes, Disyembre 14, 2020

DAHILAN NG KAGALAKAN

22 Disyembre 2020
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikapitong Araw 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 



"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas" (Lucas 1, 46). Sinimulan ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang awit o kantikulo sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ang kapansin-pansin tungkol sa awiting ito ay nailarawan na ni Maria kung sino ang dahilan ng kanyang kagalakan sa simula pa lamang nito. Diretsyuhan na niyang inilarawan kung saan nagmumula ang kanyang galak sa kauna-unahang bahagi ng kanyang kantikulo. Ang dahilan ng kagalakan ng Mahal na Inang si Maria ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Matapos ilahad ng Mahal na Birheng Maria ang dahilan ng kanyang kagalakan - ang Diyos - sa simula pa lamang ng kanyang awitin, inilarawan niya ang mga gawa ng Diyos. Inilaan niya ang mga sumunod na bahagi ng kanyang awit sa paglalarawan at pagpapatotoo tungkol sa mga gawa ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Kung tutuusin, isa lamang ang katangian ng Diyos na inilalarawan sa mga gawang ito. Iyon ay walang iba kundi ang Kanyang awa at habag. Ang lahat mga gawa ng Panginoong Diyos na inilarawan ng Mahal na Ina sa kanyang kantikulo ay nagpapatunay sa Kanyang kagandahang-loob. 

Ang pagpapamalas ng habag at kagandahang-loob ay hindi isang bagong gawain para sa Diyos. Katunayan, matagal na Niya itong ginagawa. Mula nang likhain ng Panginoon ang daigdig na ito, paulit-ulit Niyang inihayag ang Kanyang kagandahang-loob. Hindi lamang Niya ipinakita ito nang isa o dalawang beses lamang kundi maraming beses. Katunayan, kung babasahin natin ang Banal na Bibliya, marami tayong matatagpuang mga talata tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Sa sobrang dami ng mga ito, hindi na natin ito mabibilang. Ipinahiwatig ng Mahal na Birhen ang katotohanang ito sa kanyang awit. Kaya nga, hindi nakasentro sa kanya ang kanyang awitin. Ang sentro ng kanyang awitin ay walang iba kundi ang Diyos. Inamin ng Mahal na Birhen nang buong kababaang-loob sa kanyang awitin na hindi lamang siya ang nakinabang sa awa at habag ng Diyos. 

Bukod sa Mahal na Ina, isa sa mga taong pinakitaan ng Diyos ng Kanyang habag at kagandahang-loob ay ang ina ni Samuel na si Ana sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Inilarawan niya sa saserdoteng si Eli kung paano niya naranasan ang awa at habag ng Diyos. Siya'y nanalangin kasama ni Eli upang pagkalooban siya ng isang anak. Tinupad ng Panginoon ang kanyang kahilingan. Si Ana ay biniyayaan ng Panginoon ng isang anak na lalaki na walang iba kundi si Samuel. Para kay Ana, ang kanyang anak na si Samuel ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang kanyang anak na si Samuel ay sagisag ng awa at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Tulad nina Eli at Ana sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, ang Mahal na Inang si Maria ay nagbigay ng papuri sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang awitin, pinuri ni Maria ang Diyos. Ang Diyos na dahilan ng kanyang kagalakan dahil sa Kanyang kagandahang-loob na hindi magmamaliw kailanman. 

Inihayag ng Mahal na Birhen sa kanyang kantikulo na ang dahilan ng kanyang galak ay walang iba kundi ang Diyos. Tayong lahat ay tinatanong sa araw na ito - tunay nga ba tayong nagagalak? Ang Diyos ba ang dahilan ng ating galak? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento