Linggo, Disyembre 27, 2020

MAGANDANG BALITA SA SIMULA NG BAGONG TAON

1 Enero 2021 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Ipinagdiriwang ng Simbahan ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, sa simula ng isang panibagong taon sa sekular na kalendaryo. Ang pistang ito ay ang ikawalo at huling araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesus. Sa pagdiriwang ng Solemnidad na ito sa unang araw ng panibagong taon sa sekular na kalendaryo, ang Simbahan ay may hatid na magandang balita sa bawat isa sa atin. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang magandang balitang hatid sa atin ng Simbahan sa unang araw ng panibagong taon. Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Diyos kay Moises ang rito ng pagbabasbas na dapat gamitin nina Aaron at ng kanyang mga anak sa tuwing igagawad nila ito sa mga Israelita. Sa rito ng pagbabasbas na ito, ang pagiging mapagpala at mahabagin ng Diyos ay binigyan ng pansin. Ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa pagdiriwang na ito ay nakasentro sa dalawang katangiang ito ng Diyos. Katunayan, ang pangaral ni Apostol San Pablo ay nakatuon sa pinakadakilang grasya o biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa lahat ng tao ay walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na isinilang ng isang babae (Galacia 4, 4). Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagsamba ng mga pastol sa Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban at ang pagtutuli at pagpapangalan sa Kanya. Ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko ay ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan sapagkat ang Banal na Sanggol na ito ay ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos. Ang Pangalan ng Banal na Sanggol na ito ay "Hesus" (Lucas 2, 21). Ang kahulugan ng pangalang ito "Hesus" ay "Ang Diyos ay nagliligtas." 

Ang magandang balitang nais iparating ng Simbahan sa unang araw ng bagong taon sa sekular na kalendaryo ay tungkol sa dalawang katangiang ito ng Diyos. Isa itong magandang paalala para sa bawat isa sa atin. Nararapat lamang na ulitin ang mensahe at aral na ito upang hindi natin ito makakalimutan. Lagi nating tatandaan na ang Panginoong Diyos ay maawain at mapagpala. Iyan ang magandang balitang nais iparating at ipaalala sa atin ng Simbahan. 

Bakit ito ang magandang balitang nais iparating ng Simbahan sa atin sa simula ng panibagong taon? Ito ang magandang balitang ipinaparating ng Simbahan sa atin upang lumakas ang ating loob. Ang magandang balitang ito ay may hatid na pag-asa sa bawat isa sa atin. Pinaalalahanan tayo na ang Diyos ay maawain at mapagpala. Kaya, dapat lagi tayong umasa sa Kanya. Ang bawat isa sa atin ay tutulungan ng Panginoon na tunay ngang mahabagin at mapagpala. Katunayan, ipinagkaloob nga Niya ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo, ang pinakadakilang pagpapalang nagmula sa Kanya. Ano pa kaya ang tulungan tayo sa pagharap sa mga hamon at mga pagsubok sa panibagong taong ito? Huwag tayong mag-alala. Kasama natin ang Diyos. Tayo'y tutulungan ng Panginoong Diyos dahil tunay ang Kanyang awa at pagpapala. 

May magandang balita ang Simbahan para sa bawat isa sa atin sa simula ng isang panibagong taon. Tunay na maawain at mapagpala ang Diyos. Ang mga pagpapala ng Diyos ang naghahayag ng Kanyang habag at awa para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento