Huwebes, Disyembre 10, 2020

IBINIGAY NIYA ANG TUNAY NA HARI

17 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikalawang Araw 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17 



Ang mga Pagbasa para sa ikalawang araw ng tradisyunal na Simbang Gabi ay tungkol sa pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan noong unang Pasko. Bagamat ang araw na ito ay ang ikalawang araw pa lamang ng Simbang Gabi, inilarawan na ng mga Pagbasa kung ano ang ating pinaghahandaan. Iyan ay ang pagdating ng pinakadakilang pagpapalang mula sa Diyos. Katunayan, iyan ang ating inaaalala pagsapit ng Kapaskuhan. 

Sa wakas ng Unang Pagbasa, nasabi ni Jacob sa kanyang mga anak na ang tunay na Hari ay magmumula sa angkan o lahi ni Juda (Genesis 49, 10). May lilitaw mula sa Juda. May darating mula sa Juda. Tunay ngang napakaespesyal ang darating mula sa Juda. Ang tunay na Hari ay manggagaling sa Juda. Isang napakaespesyal na biyaya mula sa Diyos ang magmumula sa angkan ni Juda. Hindi lamang ito basta isang hari kundi ang tunay na Hari. Iyan ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahi ni Juda. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni San Mateo kung sino ang tunay na Haring ipinagkaloob ng Diyos na magmumula sa lahi ni Juda - si Hesus. Si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ay ang ibinigay ng Diyos sa lahat. Si Hesus ang tunay na Haring ibinigay ng Diyos. 

Isang hari ang ibinigay ng Diyos sa lahat. Hindi lamang Siya basta isang hari kundi ang tunay na Hari. Siya'y walang iba kundi si Kristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Anak ng Mahal na Inang si Maria. Si Kristo ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento