20 Disyembre 2020
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikalimang Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38
Iniutos ng Panginoong Diyos ang propetang si Natan na ibalita kay Haring David ang Kanyang pangako sa nasabing hari sa huling bahagi ng Unang Pagbasa para sa araw na ito. May isang pangako ang Diyos kay Haring David. Isang napakagandang pangako para kay Haring David ang binitiwan ng Panginoong Diyos na ipinasabi Niya kay propeta Natan. Si Haring David ay papalitan ng isa sa kanyang mga anak sa kanyang pagpanaw at tutulungan Niya ito (2 Samuel 7, 14a. 16). Sa pamamagitan nito, mananatiling matatag ang sambahayan at kaharian ni Haring David. Tutulungan at gagabayan ng Panginoong Diyos ang magiging kapalit ni Haring David sa kanyang pagpanaw.
Tinupad nga ng Diyos ang Kanyang pangako kay Haring David. Katunayan, hindi naman Niya kinailangang tuparin ang pangakong ito na Kanyang binitiwan dahil naging masuwayin si Haring David sa utos ng Diyos. Si Haring David ay nakiapid sa asawa ni Urias na si Batseba. Bukod pa roon, inutusan pa niya sa iba pa niyang mga tauhan na umatras mula sa labanan at iwanang mag-isa si Urias nang sa gayo'y mamatay siya sa gitna nito. Subalit, sa kabila ng salang ginawa ni Haring David, pinatawad pa rin siya ng Diyos nang pagsisihan niya ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob. Isa sa mga anak ni Haring David ang pumalit sa kanya nang siya'y mamatay. Iyon ay walang iba kundi si Haring Solomon. Biniyayaan pa nga ng Panginoong Diyos ng karunungan si Solomon matapos niyang hilingin ito sa Kanya (1 Hari 3, 9-13). Tinulungan at ginabayan ng Diyos si Solomon sa bawat sandali ng kanyang paghahari.
Kahit na si Haring Solomon ang pumalit kay Haring David at pinagkalooban ng isang pusong maunawain at marunong kumilala sa mabuti at masama, hindi ito nangangahulugang naging perpekto siya sa mata ng Diyos. Kahit na siya'y tinulungan at ginabayan ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang pamumuno bilang hari, hindi ito nangangahulugang sinundan niya ang nais ng Diyos. Sinuway din niya ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iba't ibang mga asawa at mga asawang-alipin mula sa iba't ibang lahi. Bukod pa roon, hinikayat siyang sumamba sa mga diyus-diyusan ng kanyang mga ito (1 Hari 11, 2-13). Nakalimutan niya kung sino ang naglagay sa kanya sa trono at kung sino ang tumulong sa kanya na maghari sa bayang Israel.
Ano naman ang aral na nais ituro ng Unang Pagbasa para sa araw na ito? Hindi naman naging masunurin ang dalawang haring ito. Ang dalawang haring ito ay hindi naman naging tapat sa Diyos habambuhay. May mga pagkakataon kung kailan sila nagkasala laban sa Diyos at kapwa. Ang Diyos ay tapat sa Kanyang pangako. Isa itong magandang balita. Katunayan, iyon ang buod ng Magandang Balita. Kahit na hindi tapat ang sangkatauhan sa Kanya, ang Panginoon ay mananatiling tapat sa Kanyang mga pangako.
Ito ang Magandang Balita o Mabuting Balita na tinukoy ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay nangaral sa lahat ng mga lugar na pinuntahan niya, kabilang na rito ang Roma, tungkol sa Mabuting Balita ng pangako ng Diyos na nahayag at natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo, ang misteryo ng dakilang pag-ibig at katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw ay nahayag.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Arkanghel na si San Gabriel sa babaeng hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Ibinalita sa kanya ng anghel na hinirang siya ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ang tataglayin at dadalhin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay hindi lamang basta isang hari. Ang Sanggol na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay higit pa sa mga naging hari ng Israel. Ang sanggol na lalaki na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ay walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo Hesus ay ang Sanggol sa sinapupunan ni Maria. Sa pamamagitan Niya, mahahayag ang katapatan ng Diyos.
Hindi naman kinailangan ng Diyos na magpadala ng isang higit na dakila kaysa mga haring katulad ni David at Solomon. Subalit, pinili Niyang gawin ito upang patunayan sa Kanyang bayan na Siya'y tunay na matapat. Ang katapatan ng Panginoong Diyos ay walang hanggan.
Ang Mabuting Balita o Ebanghelyo na pinahahalagahan at sinasampalatayanan natin bilang mga binyagang Katoliko ay tungkol sa katapatan ng Diyos na hindi magmamaliw kailanman. Kahit na hindi kinailangan itong gawin ng Diyos dahil sa paulit-ulit na pagkakasala at pagtalikod ng sangkatauhan sa Kanya, pinili pa rin Niya itong gawin upang ihayag ang Kanyang katapatan. Tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako at hindi ito magmamaliw kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento