Huwebes, Disyembre 17, 2020

AWA NG DIYOS: TANDA NG KANYANG KATAPATAN

24 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Ikasiyam na Araw 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 



Inilahad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang ikasiyam at huling araw ng tradisyunal na Simbang Gabi, ang kantikulo ng ama ni San Juan Bautista na si Zacarias na kilala bilang "Benedictus". Ang pamagat ng awit o kantikulong ito ay hango sa mga unang salita nito sa wikang Latin. Ang mga salita sa pambungad ng awiting ito ay "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!" (Lucas 1, 68) Sa pamamagitan ng awit na ito, pinuri ni Zacarias ang Diyos. Katunayan, agad na ginawa ito ni Zacarias matapos ang siyam na buwan ng pagiging pipi at bingi dahil hindi siya naniwala sa ibinalita sa kanya ng anghel. 

Sa kabuuan ng awiting ito, binigyan ng pansin ni Zacarias ang awa ng Diyos para sa lahat. Nagsimula sa pamamagitan ng isang panawagan sa lahat ang awit na ito. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Diyos sa simula ng kanyang awitin, inilahad niya ang mga dahilan kung bakit nararapat itong gawin ng bayang Israel. Kung papansinin natin nang mabuti ang mga salita ng awiting ito, isa lamang ang katangian ng Panginoon na inilarawan sa kabuuan nito. Ang kaisa-isang katangiang ito ng Panginoon na inilarawan ni Zacarias sa kanyang awitin ay ang Kanyang pagiging maawain. Matapos manawagan sa lahat na magpuri sa Panginoong Diyos, inilaan ni Zacarias ang mga sumunod na bahagi ng kanyang awitin upang magpatotoo sa awa at habag ng Panginoon. 

Matagal nang ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang awa at habag. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang pangako kay Haring David sa Unang Pagbasa. Inutusan Niya ang propetang si Natan upang iparating ang pangakong ito. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang gawin iyan sapagkat alam naman ng Diyos kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. Makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay niya ang kanyang asawang si Urias. Katunayan, maaari ring bawiin ng Diyos ang pangakong ito matapos itong gawin ni Haring David. Subalit, kahit na alam Niyang makikiapid si Haring David kay Batseba at ipapapatay si Urias, pinili pa rin ng Diyos magbitiw ng isang pangako sa kanya at tuparin ito. Katunayan, hindi Niya ito binawi nang gawin ni Haring David ang nakakasuklam na gawaing ito. 

Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng mga Pagbasa para sa ikasiyam at huling araw ng Simbang Gabi na ang Diyos ay mahabagin. Kahit na may mga pagkakataon sa ating buhay kung saan hindi tayo naging tapat sa Kanya, ang Diyos ay mananatiling tapat sa atin. Patuloy Niyang ipinapakita ang Kanyang habag upang ipaaalala sa atin na Siya'y laging tapat sa atin. Kahit na ilang ulit tayong magkakasala laban sa Kanya, hindi mababawasan ang Kanyang katapatan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento