8 Disyembre 2020
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
Magandang pagnilayan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ang mga salitang nakasulat sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y Kanyang itinalaga upang maging mga anak Niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang Kanyang layunin at kalooban" (Efeso 1, 4-5). Katunayan, ipinapaliwanag ng mga salitang ito sa pangaral ni Apostol San Pablo kung bakit ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay naganap at naging bahagi ng kasaysayan ng kaligtasan. Niloob ng Diyos na mangyari ito sapagkat tunay Niyang minahal ang sangkatauhan.
Dahil iniligtas ng Diyos ang Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa mundong ito, siya'y naging marapat na dalhin ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdalaw ng Arkanghel na si San Gabriel kay Maria upang iparating sa kanya ang balita tungkol sa pagkahirang sa kanya ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Ang Birheng Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Niloob ng Diyos na mangyari ito. Iyan ang dahilan kung bakit nangyari ang Inmaculada Concepcion.
Sa pamamagitan ng Inmaculada Concepcion, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ang Inmaculada Concepcion ay ang unang bahagi ng dakilang plano ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang hudyat na itutuloy ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa sangkatauhan. Kahit na ang sangkatauhan ay nalugmok sa sala dahil sa pagsuway ni Eba at Adan sa utos ng Diyos gaya ng isinalaysay sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay hindi tumigil sa pagpapakita ng pag-ibig sa sangkatauhan. Inibig pa rin Niya ang sangkatauhan sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagsuway sa Kanya. Dahil diyan, ang Panginoon ay gumawa ng plano upang iligtas ang sangkatauhan. Katunayan, ang Panginoong Diyos na rin mismo ang naghayag sa sarili Niyang planong pagtubos sa tao noong sinabi Niyang ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ng ahas (Genesis 3, 15). Natupad ang pangakong tio ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan.
Ang Inmaculada Concepcion ay larawan ng pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng Inmaculada Concepcion, sinimulan ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa sangkatauhan. Kahit na hindi naman kailangan itong gawin ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento