12 Disyembre 2020
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 (o kaya: 1, 26-38)
Angkop na angkop Salmo para sa pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, "Pinupuri Kang lubusan ng lahat sa ating bayan" (Judith 15, 9d). Ang mga salitang ito ay nasambit matapos ang tagumpay na nakamit ni Judith laban sa mga taga-Asiria. Pinugutan ni Judith ang ulo ng pinuno ng mga hukbo ng mga taga-Asiria na si Holofernes upang makamit ang tagumpay para sa bayang Israel. Katunayan, ang mga talata sa Salmo ay ang mga salitang nasambit ng pinuno ng Betulia na si Uzias matapos ipakita ni Judith ang ulo ni Holofernes bilang katibayan ng kanyang tagumpay.
Bagamat ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay tungkol kay Judith na nagkamit ng tagumpay para sa bayang Israel sa pamamagitan ng pagpaslang kay Holofernes, magandang tingnan ito sa anggulo ng mga taong nagpupuri sa Diyos. Maaari natin tingnan at pagnilayan ang mga salitang ito mula sa prespektibo ng mga taong nagpupuri sa Diyos. Ang Panginoong Diyos ay pinupuri at pinasasalamatan ng bawat tao dahil sa Kanyang tagumpay. Ang Diyos ay nagkamit ng tagumpay. Kaya, Siya'y pinasasalamatan at pinupuri ng lahat ng tao nang buong kagalakan.
Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang pangako sa bayan ng Sion. Siya'y darting at maninirahan sa piling ng Kanyang bayan. Ang lahat ng mga bansa ay magpupuri't magpapasakop sa Kanya (Zacarias 2, 14-15). Siya'y kikilalanin ng lahat ng bansa bilang tunay at kaisa-isang Diyos na nagkamit ng tagumpay para sa lahat. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Birheng Maria ay dumalaw sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Nang siya'y dumating sa bahay ni Elisabet, si Maria ay kinilala ng kanyang kamag-anak bilang ina at tagapagdala ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Hindi lamang si Elisabet ang kumilala sa presensya ni Kristo sa sinapupunan ni Maria. Ang sanggol sa sinapupunan ni Elisabet na si San Juan Bautista ay kumilala rin sa presensya ni Hesus sa sinapupunan ni Maria. Kaya, gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet. Noong siya'y dumalaw sa tahanan ng kanyang kamag-anak na si Elisabet, hindi lamang dinala ni Maria ang kanyang sarili. Bagkus, dinala rin niya ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo at ang ipinangakong Manunubos, mahahayag ang tagumpay ng Diyos. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay dumating bilang sanggol na dinala ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang sinapupunan upang ihayag ang tagumpay ng Diyos.
Kaya naman, kasama ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Guadalupe, sama-sama nating purihin nang buong puso't kaluluwa ang Panginoon (Lucas 1, 46). Buong galak nating purihin ang butihing Panginoong Diyos na nagkamit ng tagumpay. Ang Kanyang tagumpay ay hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento