27 Disyembre 2020
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B)
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 (o kaya: Sirac 3, 3-7. 14-17a [gr. 2-6. 12-14])/Salmo 104 (o kaya: Salmo 127)/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 (o kaya: Colosas 3, 12-21)/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22. 39-40)
Ipinapaalala sa atin ng Kapistahan ng Banal na Mag-Anak na ang Diyos ay nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay kapiling natin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Hindi Siya nagpakita agad taglay ang Kanyang buong kadakilaan, kahit na iyon ang pinakamadaling gawin. Ipinasiya ng Diyos maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y tubusin. Ginawa Niya iyon upang ihayag ang Kanyang dakilang pag-ibig. Ito ang misteryo ng Pasko na patuloy na ipinapaalala sa atin, lalo na't ang Kapistahang ito ay napapaloob sa tinatawag na Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon.
Bahagi ng pagiging tao ay ang pagkakaroon ng pamilya. Ang bawat isa sa atin ay nagmula sa isang pamilya. Hindi tayo basta lumitaw at nagpakita sa daigdig gamit ang sarili nating kapangyarihan nang gayon na lamang. Bagkus, tayo ay nagmula sa isang pamilya at isang angkan. Iyan din ang ginawa ng Diyos. Ang Diyos ay naging bahagi ng isang pamilya nang Siya'y pumarito sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Kahit na ang Panginoon ay mayroong kapangyarihang dumating at magpakita sa lahat nang gayon na lamang, pinili pa rin Niyang maging bahagi ng isang pamilya.
Kung tutuusin, higit na dakila kaysa sa Kanyang pamilya dito sa daigdig na ito at maging kaysa sa Kanyang mga ninuno si Kristo. Higit Siyang dakila kaysa kay Abraham, na kilala rin bilang si Abram sa Unang Pagbasa. Si Kristo ay bahagi ng Banal na Santatlo, ang tunay at nag-iisang Diyos, na nangako kay Abram na siya'y magkakaroon ng maraming anak at apo sa Unang Pagbasa. Katunayan, binigyan pa nga Niya ng bagong pangalan si Abram - Abraham. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na ibinigay ni Abraham sa Diyos ang kanyang pananalig at pagtalima. Ang nakakagulat, mismong ang Diyos ay naging bahagi ng angkan o lahi ni Abraham sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Kristo na dinala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa templo upang ihandog sa Panginoon sa Ebanghelyo. Nakakagulat nga ito. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at naging bahagi ng isang pamilya at isang angkan. Ang Panginoon ay higit na dakila kaysa kina Abraham, Sara, Isaac, at maging kaysa sa Mahal na Inang si Maria at San Jose. Hindi nga sapat ang mga salita para ilarawan ang kadakilaan ng Diyos. Kung sino pa ang pinakadakila sa lahat, Siya pa ang nagpakaaba. Ang lahat ng bagay ay nasa Kanya, subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao na wala namang taglay na kapangyarihan at kadakilaang katulad Niya. Bakit Niya ginawa ang nakakagulat na bagay na ito?
Tunay ngang nakakagulat ang gawang ito ng Panginoong Diyos. Biruin mo nga naman, nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kaluwalhatian bilang Diyos subalit pinili pa rin Niyang maging isang tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Pinili Niyang maging katulad ng mga tao na sa Kanyang paningin mula sa langit ay mga aba at hamak na nilalang lamang. Subalit, ginawa ng Panginoon ang nakakagulat na bagay na ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, pinili Niya tayong iligtas. Pag-ibig ang dahilan kung bakit pinili ng Diyos na magpamalas ng kababaang-loob upang iligtas ang bawat isa sa atin na mga hamak, mahihina, at maliliit na nilalang lamang. Hindi tayo dakila at makapangyarihan katulad Niya. Hindi natin Siya mahihigitan o mapapantayan man lamang kailanman. Subalit, pinili pa rin ng Panginoon na gawin ito dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, ang Diyos ay buong kababaang-loob na dumating sa daigdig na ito at nagkatawang-tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas dahil sa Kanyang pag-ibig.
Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya ay nakasentro pa rin sa misteryo ng Pasko. Ang misteryong ito ay nakakagulat at nakakasorpresa. Ang Diyos ay dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ginawa Niya ito sapagkat tunay ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento