Huwebes, Nobyembre 26, 2020

SIYA BA ANG ATING HINIHINTAY AT PINAGHAHANDAAN?

29 Nobyembre 2020 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37 



Isang panibagong taon ang sinisimulan ng Simbahan sa Linggong ito. Sa unang araw at unang Linggo ng bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, binibigyan ng pansin ang kahalagahan ng paghihintay. Katunayan, ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagpasok sa isang panahong inilaan sa paghihintay at paghahanda. Ang panahong iyon ay walang iba kundi ang Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring panahon ng Adbiyento. 

Sa pangalan pa lamang ng panahong ito sa Kalendaryo ng Simbahan, agad nating malalaman kung sino o ano ang hinihintay natin. Ang Panginoon ay ating hinihintay. Siya ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Katunayan, dalawang ulit na nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa paghihintay sa Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Sa ating buhay-espirituwal, mahalaga ang paghihintay dahil darating si Kristo. 

Habang tayo'y naghihintay para sa pagdating ng Panginoon, hindi tayo dapat nagtutunganga lamang. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na dapat maging maingat at handa sa lahat ng oras (Marcos 13, 33). Kailangang paghandaan ang pagdating ng Panginoong Hesus. Hindi tayo dapat magpaloko sa mga mapagpanggap at mga nagnanais na tayo'y ilayo mula sa landas ng kabanalan. Kailangan nating mag-ingat mula sa mga huwad na tagasunod at tagapangaral na walang ibang hangad kundi linlangin at ipahamak ang bawat isa sa atin. Kailangan nating ituon ang ating pansin sa Panginoon sa lahat ng oras. Huwag tayong magpaloko o magpasilo. Manatiling tapat kay Kristo. 

Kapag pinaghandaan natin nang mabuti ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon, inihahayag natin ang ating katapatan sa Kanya. Kapag nanatiling tapat ang bawat isa sa atin kay Kristo, nahahayag ang ating pag-asa sa Kanya. Umaasa sa Panginoong Diyos ang mga tapat sa Kanya, katulad na lamang ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang mga tunay na matapat sa Panginoon ay ang mga tunay na umaasa sa Kanya. 

Magagawa natin ang iniuutos ni Hesus sa Ebanghelyo kung Siya talaga ang ating hinihintay. Kaya, mahalagang pagnilayan at pag-isipang mabuti kung sino o ano ba talaga ang sentro ng ating paghihintay at paghahanda. Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento, tanungin natin ang ating mga sarili kung si Hesus ba talaga ang ating hinihintay at pinaghahandaan. Tayo ba ay tapat sa Kanya? Tayo ba ay umaasa sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento