Biyernes, Nobyembre 6, 2020

ANG KASAGRADUHAN NG BAHAY-DALANGINAN

9 Nobyembre 2020
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17//Juan 2, 13-22 


Inilalarawan sa mga Pagbasa ang kahalagahan ng Simbahan. Ano ba talaga ang kahalagahan ng Simbahan? Bakit nga ba sagrado ang Simbahan? Iyan ang nais bigyan ng pansin ng mga Pagbasa para sa pagdiriwang para sa espesyal na araw na ito, ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma o ang Basilika ni San Juan Laterano. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Ezekiel ang mga nakita niya sa kanyang pangitain. Sa kanyang pangitain, nakita ni propeta Ezekiel ang templo at ang tubig na dumadaloy mula rito. Paano natin maiuugnay ang nakita ni propeta Ezekiel sa kanyang pangitain sa larawan ng Simbahan? Ano nga ba ang koneksyon o ugnayan ng pangitain ni propeta Ezekiel sa larawan ng Simbahan? Ang Simbahan ay daluyan ng grasya ng Diyos. Ang pagpapala at biyaya ng Panginoong Diyos ay dumadaloy sa Simbahan. Kung saan nananahan ang Panginoong Diyos, ang awa't biyaya Niya ay dumadaloy. 

Ang Templo o Simbahan bilang daluyan ng pagpapala ng Diyos ang binigyan ng pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Nilinis ni Hesus ang templo upang ilarawan ang kasagraduhan ng templo. Ang templo ay ang tahanan ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay nananahan sa templo. Dahil sa katotohanang ito, ang templo ay daluyan ng awa at biyaya ng Diyos. 

Hindi lamang limitado sa mga gusaling Simbahan ang pagdaloy ng awa at biyaya ng Diyos. Sabi ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa'y templo ng Diyos (3, 16). Ang Simbahan ay hindi lamang tumutukoy sa mga gusaling itinalaga upang maging bahay-dalanginan kundi ang bawat isa sa atin. Tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan. Tayo ang Simbahan. Ang ating mga katawan ay templo ng Panginoon. Nananahan sa atin ang Panginoon. Ang bawat isa sa atin ay daluyan ng biyaya at awa ng Diyos. Kaya, tayo ay sagrado. Dahil tayo ay sagrado, dapat nating ingatan ang ating mga katawan sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kabanalan. 

Ang Simbahan ay sagrado dahil sa presensya ng Panginoong Diyos. Ang awa at biyaya ng Diyos ay dumadaloy sa Simbahan. Hindi lamang ito tumutukoy sa mga gusaling bahay-dalanginan kundi sa bawat isa sa atin. Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan ni Kristo ay daluyan ng Kanyang biyaya at awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento