17 Enero 2021
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (B)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Marcos 10, 13-16
"Ano ang pangalan mo?" (Your name is?) Ito ang tanong nina Taki Tachibana at Mitsuha Miyamizu sa isa't isa sa katapusan ng pelikulang "Your Name" (Kimi No Na Wa). Ilang ulit na ipinalabas ang anime na pelikulang ito sa ABS-CBN. Ang pelikulang anime na ito, na dinub sa Tagalog, ay huling naipalabas sa nasabing istasyon noong Mahal na Araw ng nakaraang taon. Ang pelikulang ito ay tungkol kina Mitsuha at Taki at kung paano nila nakilala ang isa't isa, magmula noong sila'y nagpalit ng katawan nang paulit-ulit sa unang bahagi ng nasabing pelikula. Talaga namang napakaganda ng pelikulang ito. Sa sobrang ganda nito, tiyak na gugustuhin ninyong panoorin ulit ito, kahit ilang ulit ninyo itong napanood.
Isang napakamisteryosong Sanggol ang ipinakilala ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa. Sabi ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na ang Sanggol na ito, isang Sanggol na lalaki, ay isinilang para sa atin (9, 6). Tayo ang dahilan kung bakit ang Sanggol na ito ay isinilang. Ang Sanggol na ito ay isang biyaya mula sa Diyos.
Ano ang pangalan ng Sanggol na ito? Ano ang pangalan ng pagpapalang ito na ibinigay ng Diyos sa lahat? Ang pangalan ng biyayang ito na ibinigay ng Diyos sa lahat ay ibinunyag sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Ang pangalan ng biyayang ito, isang Sanggol na lalaki, ay "Hesus." Ang pagpapalang ito na nagngangalang Hesus ay nagsalita sa Ebanghelyo. Inihayag Niyang ang mga pinaghaharian ng Diyos ay yaong tumatanggap sa Kanyang kaharian katulad ng mga bata (Marcos 10, 15). Si Hesus na nagsabing para sa mga may puso at kaloobang katulad ng mga bata ang kaharian ng Diyos sa Ebanghelyo ay ang pagpapalang tinukoy sa propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Si Hesus na nagbasbas sa mga bata sa Ebanghelyo ay ang biyayang ibinigay sa lahat ng Diyos.
Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol, ang Santo Niño, magandang bigyan ng pansin at pagnilayan ang kahulugan ng Kanyang Ngalan. Ang pangalang "Hesus" ay nangangahulugang "Ang Diyos ay magliligtas." Malinaw na inilalarawan ng kahulugan ng Pangalan ni Hesus ang dahilan kung bakit Siya dumating sa daigdig. Ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay dumating sa daigdig upang tayo'y iligtas.
Noong ang Diyos ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo, ang bawat yugto ng buhay ng tao ay pinagdaanan Niya. Niyakap, tinanggap, at inako Niya ang ating pagkatao. Siya'y naging isang tao tulad natin, maliban sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Nang Siya'y maging tao, naranasan ng Panginoon ang buhay bilang isang bata. Ang Panginoon ay naging isang sanggol, isang bata, katulad natin. Napagdaanan ng Diyos ang yugto ng kabataan.
Bakit ipinasiya ng Diyos na pagdaanan ang kabataan? Bakit Niya ipinasiyang maging isang sanggol? Bakit Niya pinili maging isang bata? Sabi ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay itinalaga ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Poong Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig (Efeso 1, 4-5). Iyan ang dahilan kung bakit dumating si Hesukristo sa mundong ito bilang isang sanggol. Pag-ibig ng Diyos. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, niloob ng Diyos na maging isang bata sa pamamagitan ni Hesukristo upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan nito, nahayag ang tanging hangarin at nais ng Diyos na tayo'y italaga bilang Kanyang mga anak.
Ipinapaalala ng Kapistahan ng Santo Niño na ang Panginoong Hesukristo ay naging isang sanggol, isang bata, dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin, ipinasiya Niya tayong iligtas. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Batang si Hesus, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento