Biyernes, Pebrero 5, 2021

SAPAT NA DAHILAN PARA MAGALAK AT MANALIG

11 Pebrero 2021
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


Ang Unang Pagbasa ay nagsimula sa pamamagitan ng isang paanyaya para sa lahat mula kay propeta Isaias. Inaanyayahan ni propeta Isaias ang lahat ng tao na magalak. Ang dahilan kung bakit dapat magalak ang lahat ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Sapat na ang Panginoon para magalak. Kung ang dahilan ng ating kagalakan ay walang iba kundi ang Panginoon, wala na tayong hahanapin pa. Ang Panginoon ay sapat na. 

Sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes, tayo ay pinaalalahanan ng Simbahan na ang Diyos ay sapat na dahilan upang magalak. Bakit sapat na ang Diyos? Iyan ay dahil Siya ang bukal ng kagalakan. Ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos at ito'y ipinagkakaloob Niya sa lahat. 

Upang patunayan na Siya'y sapat na, dumating ang Diyos sa daigdig na ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay isinugo sa daigdig na ito upang ipagkaloob ang pagpapala ng tunay na kaligayahan sa lahat. Ang tunay na kaligayahan na nagmumula sa Diyos ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ni Kristo. Iyan ang dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Inang si Maria. Si Hesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay naging anak ng Mahal na Birheng Maria upang ipagkaloob sa lahat ng tao ang biyaya ng tunay na kaligayahan. 

Ang misteryong ito ay nababatid ng Mahal na Inang si Maria. Hindi man niya ito lubusang maunawaan, alam niya na ang Diyos ay naparito sa pamamagitan ni Hesus upang ipagkaloob ang tunay na kaligayahang nagmumula sa Kanya. Ang biyayang ito ay hindi lamang Niya ipinagkakaloob sa isang lahi, bayan, o bansa kundi sa lahat ng tao sa mundo. Alam ng Mahal na Ina ang katotohanang ito at ito'y kanyang pinananaligan. Katunayan, ipinakita niya ang kanyang pananalig sa mahiwagang planong ito ng Panginoong Diyos sa Ebanghelyo. Ipinakita ni Maria ang kanyang pananalig sa tunay na kaligayahang ipinagkaloob ng Diyos na dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Hesus. Idinulog niya kay Hesus ang problema sa kasalan sa Cana dahil nanalig siyang sapat na ang kanyang Anak upang mawala ang problemang ito. Pinagbigyan ni Hesus ang Kanyang hiling. Dahil dito, nawala ang problema at naging masaya muli ang kasalan sa Cana.

Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng Simbahan na mayroon tayong sapat na dahilan upang magalak. Ang Diyos lamang ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak. Dapat tayong magalak dahil sa Diyos. Siya ang bukal ng kagalakan. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kagalakan. Patuloy Niyang ipinagkakaloob ang biyayang ito sa ating lahat. Katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Lourdes, tanggapin nawa natin ang biyayang ito na patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin nang may buong pusong pananalig sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento