Sabado, Pebrero 20, 2021

ANG PALATANDAANG IBINIGAY NG DIYOS

7 Marso 2021 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25 


Sabi ni Hesus sa mga Hudyong humingi ng isang palatandaan mula sa Kanya matapos Niyang linisin ang templo sa Ebanghelyo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Sabi pa sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na ang templong tinukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan (Juan 2, 21). Ang palatandaang ibibigay ng Panginoong Hesus bilang patunay ng Kanyang kapangyarihan ay walang iba kundi ang Kanyang sarili. Si Hesus ang magpapatunay ng sarili Niyang kapangyarihan at autoridad bilang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang kadakilaan at pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo ay mahahayag sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit Siya naparito sa sanlibutan. Iligtas ang sangkatauhan upang sa pamamagitan nito'y mahayag ang kadakilaan at kapangyarihan ng tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Nakasentro sa kahanga-hangang gawang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang ipinangangaral niya at ng iba pang mga apostol ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristong nakabako sa krus (1 Corinto 1, 23). Ipinapahiwatig nito na noon pa man ay pinahahalagahan ng Simbahan ang krus ng Panginoong Hesukristo. Hindi magsasalita ang mga apostol at ang mga humalili sa kanila tungkol sa krus ni Kristo kung ito'y hindi nila pinahalagahan. Ang kanilang mga labi ay magiging tikom tungkol sa Misteryo Paskwal ni Kristo kung hindi ito mahalaga. Subalit, sila'y nangaral tungkol sa krus ng Panginoon sapagkat ito'y kanilang pinahalagahan. Ang krus ni Kristo ay pinahalagahan ng buong Simbahan noon pa man dahil, gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, ang inakalang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa kaysa sa karunungan ng tao at ang inakalang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit pa sa lakas ng tao (1 Corinto 1, 25). 

Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos. Sa Bagong Tipan, ang Diyos ay nagbigay ng isang dakilang tanda ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang tandang ito. Ang tandang iyon ay walang iba kundi ang krus at Muling Pagkabuhay ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Nahayag sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. 

Isang palatandaan ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan noong sumapit ang takdang panahon. Ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo, ay Kanyang ibinigay upang tubusin tayo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawaing ito na niloob Niyang mangyari. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento