Sabado, Pebrero 6, 2021

ANG PANGINOON AT TAGAPAGLIGTAS NA PUSPOS NG AWA AT HABAG

14 Pebrero 2021 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 


Matatagpuan sa Unang Pagbasa ang konteksto ng kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Nakakatulong ang Unang Pagbasa sa pagninilay sa kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Kailangan nating bigyan ng pansin ang nakasaad sa Unang Pagbasa upang lalo nating maunawaan ang nakasaad sa Ebanghelyo. Nasasaad sa Unang Pagbasa ang batas o patakaran tungkol sa mga taong may ketong. Noong kapanahunang yaon, pinaaalis ang mga taong may ketong mula sa kani-kanilang bayan. Matapos tiyakin ng mga saserdote na may ketong ang isang tao, ang taong iyon ay pinaaalis agad upang hindi niya mahawaan ang kanyang mga kababayan. Ang kanilang palagiang sigaw na "Marumi! Marumi!" ay isang babala para sa ibang tao na tumatahak sa daanang iyon. 

Nakakalungkot at napakahirap ng buhay ng mga ketongin noong kapanahunang yaon. Hindi sila maaaring manatili sa kanilang bayan o makihalubilo sa ibang tao. Kahit na ang sarili nilang pamilya ay hindi nila maaaring makasama dahil sa karamdamang ito. Bawal silang makihalubilo sa ibang tao, kaibigan man sila o pamilya. Mag-isa lamang silang nabubuhay sa labas ng bayan o lungsod. Bawal silang makihalubilo sa iba o bumalik sa kanilang bayan hangga't taglay pa nila ang sakit na ito. Mayroon ring mga ketong na namumuhay na magkasama. Iyon lamang, sila-sila lang na may ketong ang magkasama. 

Ang hangarin ng ketongin sa Ebanghelyo ay napakalinaw. Nais niyang bumalik sa kanyang bayan. Ayaw na niyang mamuhay bilang isang ketongin. Ayaw na niyang iwasan siya ng tao; kaibigan, pamilya, o 'di kaya mga kakilala. Tiyak na pinangarap niyang makihalubilo sa iba sa loob ng mahabang panahon. Iyan ang dahilan kung bakit siya lumapit sa Panginoon. Hindi siya nagdalawang-isip na lumapit kay Hesus upang idulog sa Kanya ang kanyang kahilingan. 

Kung bibigyan natin ng pansin ang tono ng pagmamakaawa ng ketonging ito, makikita natin na naniniwala siya sa Panginoong Hesukristo. Napakalinaw ang pananalig ng ketonging ito kay Kristo kung gagamitin nating basehan ang tono ng kanyang hiling. Ganito niya ipinarating ang kanyang hiling kay Kristo, "Kung ibig po Ninyo, mapagagaling Ninyo ako" (Marcos 1, 40). Kung bibigyan natin ng pansin ang tono ng kanyang pakiusap, makikita natin ang kanyang pananalig sa kapangyarihan ni Hesus na magpagaling. Napakalalim ang pananalig niyang ito. Tila, naghihingi lamang ng pahintulot ang ketonging ito. Ang ketonging ito ay nanalig nang buong puso na si Hesus ay may kapangyarihang pagalingin siya. 

Ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag sa ketonging ito. Sa Kanyang tugon pa lamang ay nagpakita na ng habag si Hesus sa ketongin. Ang tugon ni Hesus sa hiling ng ketongin ay: "Ibig Ko. Gumaling ka!" (Marcos 1, 41). Maliwanag na ang ginawa Niyang pagpapagaling sa ketonging ito ay hindi isang pagpapamalas ng kapangyarihan. Hindi pinagaling ni Hesus ang ketonging ito upang ipagmalaki ang Kanyang kapangyarihan. Bagkus, ang ketonging ito ay pinagaling ni Hesus dahil sa Kanyang habag. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag sa ketongin sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. 

Ang pagiging mahabagin ng Panginoon ay inilarawan sa Salmo. Dahil sa habag ng Diyos, tinutulungan at inililigtas ang Kanyang lingkod. Iyon ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na tumulong at magligtas. Ang Kanyang habag. Ito ang ginawa ng Panginoong Hesus para sa ketongin sa Ebanghelyo. Ang ketongin sa Ebanghelyo ay tinulungan at iniligtas ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa na ang pagsunod niya sa halimbawa ni Kristo ay dapat tularan (1 Corinto 11, 1). Kung paanong tinularan ni Apostol San Pablo ang Panginoong Hesukristo, dapat nating tularan ang kanyang ginawa. Tinularan ni Apostol San Pablo ang ginawa ng Panginoon. Kung tutularan natin si Apostol San Pablo at ang iba pang mga banal sa langit, matutularan natin ang Panginoon. Kapag ito'y ginawa natin, ipinakilala natin sa lahat ang Panginoon na puspos ng habag para sa lahat. 

Tayong lahat ay hinahamon ng Simbahan na maging mga misyonero. Bilang mga misyonero, ang bawat isa sa atin ay iniaatasang ipakilala si Kristo. Kapag ang halimbawang ipinakita ni Kristo na sinikap tularan ng mga banal ay sinikap rin nating tularan, naipapakilala natin Siya sa lahat ng tao bilang maawain at mahabaging Panginoon at Tagapagligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento