Biyernes, Pebrero 19, 2021

PATUNAY NG KABUTIHAN NG DIYOS

28 Pebrero 2021 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2a. 9. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 


Inilalarawan ng mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ang kabutihan ng Diyos sa atin. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak (Roma 8, 32). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagbibigay ng larawan ng kabutihan ng Panginoon. Ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Hindi nagdalawang-isip ang Diyos sa pagligtas sa atin. Katunayan, hindi naman kailangan ng Diyos na iligtas tayo. Maaari Niya tayong pabayaang mapahamak dahil sa ating mga kasalanan, kung iyon ang Kanyang ninas. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan dahil sa Kanyang kabutihan. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan nito, ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat. 

Si Hesus na ipinakilala ng Amang nasa langit sa salaysay tungkol sa Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok sa Ebanghelyo ay ang pinakadakilang larawan ng kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan Niya, ang kabutihan ng Diyos para sa sangkatauhan ay nahayag. Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang misyon ang kabutihan ng Diyos. Si Hesus ay dumating sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa kabutihan ng Diyos. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito dahil sa Kanyang kabutihan. Sa pamamagitan ni Kristo, dumating sa daigdig ang biyayang ito.  

Kung paanong si Abraham ay binigyan ng Panginoong Diyos ng isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac sa dambana ng paghahandog sa Unang Pagbasa, ibinigay sa atin ang Panginoong Hesus bilang Manunubos. Ang Diyos ay nagbigay ng Tagapagligtas sa atin. Ang Tagapagligtas na iyon ay walang iba kundi si Kristo. Nangyari ito dahil sa kabutihan ng Diyos. 

Ang Diyos ay tunay ngang mapagbigay at mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit mayroon tayong Tagapagligtas. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang kabutihan ng Diyos ay napatunayan sa pamamagitan nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento