22 Pebrero 2021
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19
Kakaiba ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang itinatampok ng Simbahan sa araw na ito ay isang luklukan. Tiyak na tatanungin ng karamihan kung bakit ang Simbahan ay naglaan ng isang araw para itampok ang isang luklukan. Marami ang magtatanong kung anong mayroon sa isang luklukan. Parang wala namang espesyal sa isang luklukan. Maliban na lamang sa taong nakaluklok roon, isang taong napakespesyal, ang isang luklukan ay hindi naman espesyal. Ang luklukan ay isang bagay lamang, kung tutuusin.
Bakit nga ba inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang itampok at parangalan ang isang luklukan? Anong mayroon sa Luklukan ni Apostol San Pedro at ito'y napakaespesyal para sa Simbahan? Bakit nga ba labis na pinahahalagahan ng Simbahan ang Luklukan ni Apostol San Pedro? Ang sagot ay matatagpuan sa mga Pagbasa. Sa Ebanghelyo, ibinigay ni Kristo ang mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Ang mga susi sa kaharian ng langit ay sagisag ng kanyang autoridad at kapangyarihan bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Si Hesus mismo ang nagtalaga kay Apostol San Pedro para maging unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan. Ang kanyang tungkulin bilang unang Santo Papa ng Simbahang itinatag mismo ng Panginoong Hesukristo ay inilarawan niya sa Unang Pagbasa. Ang kanyang tungkulin bilang Santo Papa ng Simbahan ay alagaan, pamunuan, at paglinkuran ang kawan ng Punong Pastol na si Kristo sa daigdig nang buong puso at sarili hanggang sa muli Niyang pagparito (1 Pedro 5, 2). Iyan ang kanyang pakiusap sa mga pinuno ng Simbahan.
Espesyal ang luklukang itinatampok at pinararangalan ng Simbahan sa araw na ito hindi dahil sa sarili nitong kapangyarihan. Bagkus, espesyal ang luklukang ito dahil sa nakaluklok dito. Isang napakaespesyal na tao ang nakaluklok dito. Iyon ay walang iba kundi si Apostol San Pedro, ang unang Santo Papa ng nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo. Isang mamamalakaya ay iniatasan ng Panginoon upang alagaan, pamunuan, at paglingkuran ang Kanyang kawan dito sa mundo (Juan 21, 15-17). Ang mamamalakayang iyon ay si Apostol San Pedro, ang kauna-unahang Santo Papa ng Simbahan. Patuloy na tinutupad ng kanyang mga kahalili ang misyong tinupad niya nang siya'y namumuhay pa sa daigdig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento