21 Marso 2021
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33
Pagsapit ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang Simbahan ay pumapasok sa isang espesyal at maikling panahon na tinatawag na Passiontide. Bahagi pa rin ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala bilang Kuwaresma ang panahong ito. Hindi ito isang hiwalay na panahon mula sa Kuwaresma. Napapaloob pa rin sa Kuwaresma ang panahong ito. Ang pangalang Passiontide ay hindi ginagamit sa kalendaryo ng Simbahan para sa espesyal at maikling panahong ito dahil sa ilang mga pagbabago matapos ang Ikalawang Konsiliyo ng Vatikano.
Sa simula ng espesyal at maikling panahong ito, lalong itinutuon ng Simbahan ang pansin ng bawat mananampalataya sa Misteryo Paskwal. Ang misteryong ito na patungkol sa krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang pagninilay ng buong Simbahan ay nakasentro sa pagligtas ng Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa misteryong ito nakasentro ang ating atensyon at pagninilay bilang mga Katoliko, bilang mga Kristiyano, bilang mga mananampalataya. Katunayan, ito ang buod ng ating pananampalataya bilang Simbahan. Ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay nakasentro sa dakilang misteryong ito ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamgitan ni Kristo. Ito ang ating sinasampalatayanan.
Ang mga salitang binigkas ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ay tungkol sa misteryong ito. Ang misteryong ito ang tinukoy ng Panginoong Hesukristo noong sinabi Niyang dumating "ang oras upang maparangalan ang Anak ng Tao" (Juan 12, 23). Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, si Hesus ay mapaparangalan. Sa pamamagitan ng pagpaparangal sa Panginoong Hesus, ang kadakilaan ng Diyos ay mahahayag. Sa pamamagitan ng paghahayag ng kadakilaan ng Diyos, maliligtas ang sangkatauhan.
Nakasentro sa kababaang-loob ni Hesus ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Hinarap at tiniis ni Hesus nang buong kababaang-loob ang lahat ng hirap at pagdurusang hatid ng Kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Kanyang misyon ay ang dahilan ng Kanyang pagdating sa daigdig na ito (Juan 12, 27). Si Hesus ay dumating upang tuparin ang misyong ito. Kahit alam Niyang puno ng hirap at pagdurusa ang landas na ito, pinili Niyang tahakin ito nang buong kababaang-loob dahil iyon ang kalooban ng Diyos.
Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na Siya'y nagtiyaga sa Kanyang bayang Israel sa kabila ng kanilang pagsuway at pagsira sa kasunudan nila sa Kanya (Jeremias 31, 32). Sabi pa nga Niya sa simula ng Unang Pagbasa na gagawa Siya ng isang panibagong tipan sa Israel at Juda (Jeremias 31, 31). Sa wakas ng Unang Pagbasa, sinabi Niyang patatawarin at kakalimutan Niya ang pagsuway at maling gawain ng Kanyang bayan (Jeremias 31, 34). Inilarawan sa mga salitang ito ng Panginoong Diyos ang Kanyang kalooban. Ang naisin ng Diyos ay kapatawaran ng kasalanan. Ang kalooban Niyang ito ay nahayag sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Gaya ng sabi sa banal na konsegrasyon, "Ang Aking Dugo na ibinubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan" (Mateo 26, 28; Marcos 14, 24; Lucas 22, 20). Kapatawaran ang nais ng Diyos.
Bakit mahalaga ang krus ni Kristo? Bakit mahalaga ang Misteryo Paskwal? Sa pamamagitan ng Kanyang krus, pinarangalan si Kristo. Ang kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng pagpaparangal kay Kristo. Ang bunga nito ay kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng lahat ng kasalanan. Ang lahat ng ito ay nangyari dahil sa kababaang-loob ni Hesus na Kanyang ipinakita nang sundin Niya ang kalooban ng Ama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento