Martes, Marso 23, 2021

ANG DAHILAN NG KRUS

2 Abril 2021 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


"Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan" (Isaias 53, 5). Ito ang mga salitang naglalarawan sa tunay at nag-iisang dahilan kung bakit ginugunita natin bilang isang Simbahan ang mga kaganapan noong unang Biyernes Santo. Ang araw na ito, Biyernes Santo, ay inilaan sa paggunita sa isang kaganapan na puno ng hapis at pagdurusa. Kung tutuusin, inilarawan ng mga salitang ito mula sa ika-53 kabanata ng aklat ni propeta Isaias ang dahilan kung bakit nagbata ng maraming hirap at sakit ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus noong unang Biyernes Santo. 

Sa araw ng Biyernes Santo, isang kaganapang puno ng dalamhati ay ating ginugunita. Bagamat puno ng dalamhati ang kaganapang ito, napakahalaga ito para sa atin bilang mga Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit walang Banal na Misa sa araw na ito. Ang araw ng Biyernes Santo ang nag-iisang araw sa buong taon kung saan walang Misang ipinagdiriwang. Sa halip na Misa, isang liturhiya na isinagawa sa hapon, kadalasan ay ika-3 ng hapon, kung saan inaalala ng buong Simbahan ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo. Ang kaganapang ito na nagdulot ng hapis sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ito ang ating ginugunita sa araw na ito. 

Mahaba ang salaysay ni San Juan ng pagpapakasakit ni Kristo. Ang haba ng salaysay na ito ay dalawang buong kabanata. Ang salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoon sa Ebanghelyo ni San Juan ay nagsimula sa pagdakip sa Kanya (unang bahagi ng ika-18 kabanata) at nagwakas sa paglilibing sa Kanya (huling bahagi ng ika-19 na kabanata). Dalawang kabanata ang haba nito. Subalit, isa lamang ang dahilan kung bakit naganap ang lahat ng mga isinalaysay ni San Juan kaugnay ng Pasyon ni Kristo. Ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga kaganapang kaugnay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus ang nagbibigay ng saysay at halaga sa lahat ng ito.  

Gaya ng sinabi sa Unang Pagbasa, ang dahilan kung bakit si Hesus ay nagbata ng maraming hirap at pagdurusa sa mga huling sandali ng Kanyang buhay ay walang iba kundi tayo. Iyon nga lamang, bakit Niya piniling gawin iyon para sa atin? Para naman kasi Siyang nag-aaksaya ng panahon kung isinaisip pa Niya tayo na mga makasalanang hamak. Bakit Niya tayo iniligay sa Kanyang isip at puso? Bakit tayo ang pinili Niyang maging dahilan ng Kanyang pagbabata ng maraming hirap at pagdurusa hanggang kamatayan? 

Nasusulat sa Unang Pagbasa na "inibig ng Panginoon na sa Kanya ipataw ang parusang tayo ang dapat tumanggap" (Isaias 53, 6). Ito ang dahilan kung bakit ang habag ng Diyos ay pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa Kanyang habag, dumating sa mundo ang dakilang saserdote na walang iba kundi ang Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ang dakilang saserdoteng ibinigay ng Diyos para sa kapakanan natin ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan Niya, dumating ang Diyos sa lupa upang ihayag sa atin ang Kanyang habag at awa. 

Ang krus ni Hesus ay ang dahilan kung bakit mayroong Biyernes Santo. Ang krus ng Panginoong Hesukristo ang naghayag sa misteryo ng habag at awa ng Diyos. Dahil sa Kanyang habag at awa para sa atin, niloob ng Diyos na magtiis ng maraming hirap at sakit ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ang misteryo ng habag at awa ng Diyos ay nahayag. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento