31 Marso 2021
Miyerkules Santo ng mga Mahal na Araw
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25
Isa sa mga tawag sa Miyerkules Santo sa wikang Ingles ay Spy Wednesday. Sa araw na ito, inaalala ng Simbahan ang pasiya ni Hudas Iskariote na ipagkanulo si Kristo. Katunayan, ang Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ay tungkol sa pakikipagpulong ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng Panginoong Hesukristo upang makipagsabwatan sa kanila. Ang kanilang kasunduan ay ipagkakanulo ni Hudas si Kristo kapalit ng tatlumpung prasong pilak. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na Spy Wednesday ang araw na ito. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit gayon ang tawag sa araw na ito.
Madalas nating mapapanood sa maraming maaksyong pelikula o serye, noong araw man o sa kasalukuyan, ang konsepto ng pag-eespiya. Ilang ulit na nating nakikita sa mga nasabing pelikula at serye ang ginagawa ng mga espiya. Ang tungkulin o responsibilidad ng mga espiya ay pasukin ang teritoryo o bakuran ng kalaban ng kanilang pangkat o grupo upang makapulot sila ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga kinikilos at pinaplano ng kanilang kaaway. Kapag nakakuha na sila ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kanilang kalaban, agad na ipinapaabot nila ito sa iba pang mga miyembro ng kanilang samahan, lalo na ang kanilang pinuno. Nagiging undercover sila alang-alang sa kanilang grupo. Sa pamamagitan ng pagiging undercover, tinutulungan nila ang iba pang mga miyembro ng kanilang samahan.
Katunayan, mayroon ding mga espiya sa Bibliya. Sa ika-13 kabanata ng aklat ng mga Bilang, si Moises ay pumili at humirang ng labindalawang espiya upang libutin at saliksikin ang lupain ng Canaan. Kalaunan, ginawa rin ito ng isa sa mga espiyang hinirang ni Moises na si Josue. Humirang si Josue ng dalawang espiya upang manmanan ang Jerico at maghanap ng butas sa nasabing bayan. Inatasan silang maghanap ng butas sa Jerico upang mabuo ng isang stratehiya ang mga Israelita para sa pagsalakay at pagsakop sa nasabing bayan.
Hindi lalayo ang ginawa ni Hudas. Siya'y naging isang espiya. Iyon nga lamang, naging espiya siya ng mga kaaway ni Hesus. Sabi nga sa Ebanghelyo na lagi siyang naghanap ng pagkakataong ipagkanulo ang Panginoon matapos siyang makipagpulong at makipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway (Mateo 26, 16). Alam rin ng Panginoong Hesukristo ang binabalak ni Hudas at ng Kanyang mga kaaway. Kahit nangyari ito nang palihim, alam Niyag nangyari ito. Alam Niyang pinuntahan ni Hudas ang Kanyang mga kaaway at nakipagsabwatan sa kanila.
Labis na nasaktan si Hesus nang malaman Niyang palihim na nakipagkita at nakipagsabwatan si Hudas Iskariote, na isa pa naman sa Kanyang mga alagad, sa Kanyang mga kaaway. Pero, alam rin ni Hesus na kailangan Niyang danasin ang mga sinabi ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Si Hesus ay magtitiis ng maraming hirap at sakit sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Kahit alam Niyang kailangang mangyari ito, masakit pa rin para sa Kanya na isa sa Kanyang mga pinagkakatiwalaan ay tutulong sa Kanyang mga kaaway upang gawin ito.
Si Hudas ay nagbigay ng kanyang "Oo." Iyon nga lamang, ibinigay niya ang kanyang "Oo" sa mga kaaway ni Hesus. Ibinigay niya ang kanyang pahintulot na tulungan ang mga kaaway ni Hesus sa pamamagitan ng pagiging isang espiya at pagtraydor sa Kanya. Ang tanong para sa atin - kanino ba nating ibibigay nang buong puso ang ating "Oo"?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento