Miyerkules, Marso 24, 2021

GALAK ANG KANYANG HATID SA LAHAT

3 Abril 2021 
Sabado de Gloria
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Marcos 16, 1-7 


 
Bilang mga Pilipinong Katoliko, bihira nating tawaging "Sabado Santo" o "Banal na Sabado" ang araw na ito. Mas madalas nating tawaging "Sabado de Gloria" ang araw na ito. Magandang bigyan natin ng pansin ang pangalang "Sabado de Gloria" at kung ano ang ipinapahiwatig nito. Bagamat ang tingin ng karamihan, lalo na sa kasalukuyang panahon, ay isa lamang pangalan para sa isang araw, mayroong isang detalye ang pangalan nito na nagbibigay ng isang indikasyon o pahiwatig tungkol sa kahalagahan ng araw na ito. Bagamat tila isang maliit na detalye lamang ito, napakalaki ang maitutulong nito sa ating pagninilay tungkol sa halaga ng araw na ito. 

Ano ang ipinapahiwatig ng pangalang "Sabado de Gloria"? Kung titingnan natin nang mabuti ang pangalang "Sabado de Gloria", makakakita tayo ng pahiwatig o indikasyon tungkol sa halaga ng araw na ito para sa Simbahan. Ang salitang "Gloria" ay isang maliit na indikasyon o pahiwatig para sa atin. Ipinapahiwatig ng salitang "Gloria" na isasagawa sa nasabing araw ang isang napakaespesyal na pagdiriwang. Napakaespesyal ang isasagawa ng Simbahan sa araw na ito. May mahalagang pagdiriwang o gawain ang Simbahan sa araw na ito. 

Sa gabi ng Sabado de Gloria, isinasagawa ng Simbahan ang pinakaespesyal at pinakamahalagang pagdiriwang. Sa gabi ng Sabado de Gloria, buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ito ang sentro ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan. Ito ang huling yugto o bahagi ng Misteryo Paskwal. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo sa daigdig na ito ay buong galak na nagdiriwang sa gabing ito. 

Inihayag ng Panginoong Hesukristo ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang kadakilaang ito ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ay naghatid ng galak sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit sinabihan ang mga babaeng pumunta sa Kanyang libingan sa Ebanghelyo na huwag matakot (Marcos 16, 6). Ang kaloob ng kadakilaan ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay galak. Ang panahon ng hapis at dalamhati ay winakasan na ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang hapis at dalamhati ay pinalitan na Niya ng galak. 

Katulad ng Mahal na Ina na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ang bawat isa sa atin ay napupuspos ng galak sapagkat tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Hindi nagtapos ang lahat para sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus sapagkat ito'y sinundan agad ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, nahayag ang kadakilaan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit inaawit natin ang "Aleluya" nang buong galak sa gabing ito. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento