Huwebes, Marso 25, 2021

ANG NAGBIGAY NG SAYSAY SA ATING PANANAMPALATAYA

4 Abril 2021 
Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 118/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Sabi ni Apostol San Pablo na ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay walang kabuluhan kung hindi nabuhay na mag-uli si Kristo (1 Corinto 15, 14). Ito ang katotohanan tungkol sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo dito sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit tayo'y nananalig at sumasampalataya sa Panginoon. Mayroong kabuluhan ang ating pananampalataya dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Napakahalaga para sa atin bilang mga Kristiyano ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Katunayan, ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay isang napakalaking biyaya para sa Simbahan. Kung tutuusin, wala nang hihigit o makakapantay sa biyayang ito na tinanggap natin bilang mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang ating pananampalataya ay binigyan ng saysay ni Hesus. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Hesus, walang saysay ang ating pananampalataya. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ay ang dahilan kung bakit may kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang kahalagahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa ating pananampalataya ay binigyan ng pansin sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro tungkol kay Kristo Hesus na namatay at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, ipinakilala ni Apostol San Pedro si Cornelio at ang buo niyang sambahayan sa pananampalatayang Kristiyano na binigyan ng saysay ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Nagkaroon lamang ng saysay ang pananampalatayang Kristiyano dahil nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw ang ating Panginoong Hesukristo. 

Bilang isang Simbahang nagdiriwang nang buong galak sa dakilang araw na ito, nakatuon ang ating pansin sa libingang walang laman. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang libingang walang laman. Ang libingang ito ay mukhang ordinaryo lamang. Subalit, nakasaad sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit ito ang sentro ng ating atensyon. Hindi na matagpuan roon ang bangkay ni Hesus. Inilibing si Hesus sa nasabing libingan nang Siya'y mamatay. Subalit, pagsapit ng ikatlong araw, wala nang laman ang libingan. Wala na sa libingang ito ang bangkay ni Hesus. Katunayan, sabi pa nga sa Ebanghelyo na nakatiklop ang panyong ibinalot sa ulo ni Hesus at hiwalay ito sa mga kayong lino (Juan 20, 6-7). Isa lamang ang ibig sabihin nito. Ang bangkay ng Panginoong Hesus ay hindi ninakaw ninuman. Bagkus, Siya'y nabuhay na mag-uli. 

Kaya naman, ang panawagan sa atin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay tanggapin at yakapin ang biyaya ng bagong buhay na handog sa atin ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Isang bagong buhay puspos ng kalinisan. Isang bagong buhay na nakatuon ang pansin sa mga bagay na nauukol sa kalangitan. Ito ang ibig sabihin ni Apostol San Pablo nang sabihin niyang dapat alisin ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang maging malinis (1 Corinto 5, 7). Ito rin ang ibig niyang sabihin noong sinabi niyang dapat isaisip ang mga bagay na panlangit (Colosas 3, 2). Isa lamang ang ibig sabihin ni Apostol San Pablo. Tanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na puno ng kabanalan. Ipinagkaloob ng Panginoong Hesukristo ang biyayang ito sa atin. 

Tayong mga Kristiyano ay buong galak na nagdiriwang sa araw na ito na tunay ngang napakahalaga. Ang dahilan ng ating pagdiriwang sa dakilang araw na ito ay walang iba kundi ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, nagkaroon ng saysay ang ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, binigyan rin Niya tayo ng isang bagong buhay na puno ng kabanalan. Kung tunay ngang mahalaga para sa atin ang ating pananampalatayang ito na nagkaroon lamang ng saysay dahil sa Muling Pagkabuhay, tatanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento