12 Abril 2021
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Linggo ng Mabathalang Awa
Mga Gawa 4, 32-35/Salmo 117/1 Juan 5, 1-6/Juan 20, 19-31
Isang masikat na anime na ipinalabas mula sa taong 2014 hanggang sa taong 2015 ay ang seryeng anime na pinamagatang Your Lie in April. Ang pamagat ng nasabing seryeng anime ay hango sa liham ni Kaori Miyazono kay Kousei Arima sa huling kabanata nito. Inamin ni Kaori sa liham na ito na nagsinungaling siya kay Kousei tungkol sa mga tunay niyang nararamdaman. Ang sabi ni Kaori na ang tunay niyang minahal ay walang iba kundi si Kousei mismo at hindi si Ryota Watari na isa sa kanyang mga kaibigan. Dagdag pa ni Kaori na sinabi niyang mahal niya si Ryota at pumayag siyang maging kanyang kasintahan sa totoong buhay upang mapalapit siya kay Kousei.
Ang Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mabathalang Awa. Alinsunod ito sa nais ng Panginoong Hesus na inilahad ni Santa Faustina sa kanyang talaarawan na ipagdiwang ang Kapistahan ng Kanyang Banal na Awa sa Linggong kasunod ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Isang napakagandang pagkakataon o oportunidad para sa ating lahat ang Linggong ito upang ituon ang ating pansin sa misteryo ng Kanyang Dakilang Awa na nakaugnay sa misteryo ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang Muling Nabuhay na si Hesus ay nagpapakilala sa atin bilang Panginoon at Hari ng Awa.
Lalong nagiging malinaw sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay nagpakita nang paulit-ulit sa madreng si Santa Faustina upang ibunyag sa kanya ang misteryo ng Kanyang Awa. Hindi isang kasinungalingan ang Kanyang Banal na Awa. Ang Awa ng Panginoon ay tunay at totoo. Katulad ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang Kanyang Banal na Awa ay isang katotohanan. Hindi ito isang kasinungalingan, kathang-isip, guni-guni, pekeng balita, o gawa-gawa lamang. Totoo ang Kanyang Banal na Awa.
Sa Ebanghelyo, dalawang ulit na nagpakita sa mga apostol ang Panginoon. Sa pangalawang pagkakataon, ipinakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay kay Apostol Santo Tomas ang Kanyang mga kamay at paa na pinahawak rin Niya sa nasabing apostol. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Panginoon na tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Pinatunayan ni Hesus na ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay totoo ngang nangyari. Hindi ito isang guni-guni. Hindi ito isang kasinungalingan. Hindi ito pekeng balita. Tunay ngang nabuhay na mag-uli si Kristo, ang Panginoon at Hari ng Awa.
Tampok sa Unang Pagbasa ang mga gawain ng sinaunang Simbahan. Sabi sa Unang Pagbasa na ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa mga apostol at sa iba pang mga bumubuo sa sinaunang Simbahan (Mga Gawa 4, 33). Isa lamang itong patunay na tunay at totoo ang ipinangangaral ng mga apostol at ng Simbahan. Si Hesus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Ang Panginoon at Hari ng Awa na si Hesus ay muli ngang nabuhay sa ikatlong araw.
Nangaral si Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa tungkol kay Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Ipinakilala niya si Hesus bilang Mesiyas na ipinadala ng Diyos sa sanlibutan. Sabi niya sa pambungad ng kanyang pangaral, "Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas" (1 Juan 5, 1). Isa lamang ang dahilan kung bakit nasabi ito ni Apostol San Juan sa simula pa lamang ng kanyang pangaral. Tunay ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay isa ring patunay na hindi isang kasinungalingan o gawa-gawa lamang ang Kanyang Awa.
Hindi isang kasinungalingan ang misteryo ng Mabathalang Awa. Tunay at totoo ang misteryong ito tungkol sa Dakilang Awa ng Diyos. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang pruweba o ebidensya na tunay ang Kanyang Banal na Awa. Dahil dito, walang makapagsasabing kasinungalingan ang Banal na Awa. Matagal na itong pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, masabi nawa natin nang taos-puso ang mga salitang nakasulat sa bawat larawan ng Mabathalang Awa: "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento