Biyernes, Abril 16, 2021

GALAK NG MANANAMPALATAYA

18 Abril 2021 
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19/Salmo 4/1 Juan 2, 1-5a/Lucas 24, 35-48 


Hindi ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pasko ng Muling Pagkabuhay sa loob ng isang araw lamang. Ang Simbahan ay hindi naglaan ng isang araw lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Katunayan, hindi rin natapos ang Pasko ng Muling Pagkabuhay sa huling araw ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang para sa Kapistahang ito. Bagkus, 50 araw ang inilaan ng Simbahan upang ipagdiwang nang buong galak ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Magtatapos ang 50 araw na ito ng pagdiriwang sa araw ng Pentekostes. 

Isinasalungguhit ng 50 araw na ito ang halaga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus para sa ating mga Kristiyano. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay ang dahilan kung bakit tayo nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Ito ang nagbibigay ng saysay sa pananampalataya natin bilang mga Kristiyano. Ito ang Ebanghelyo o Mabuting Balita. Ang ating pananampalataya bilang mga Katoliko ay nakasentro o nakaugat sa Mabuting Balitang ito. Katunayan, ito ang Mabuting Balita. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Kristo Hesus ay namatay sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. 

Ang Mabuting Balitang ito ay ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa Unang Pagbasa, ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ay nangaral tungkol kay Hesus. Ang Kristong si Hesus na ipinagkaloob ng Diyos ay nagpakasakit at namatay sa kamay ng Kanyang mga kaaway ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinakilala si Kristo Hesus bilang handog para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan (1 Juan 2, 2). Katunayan, iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay namatay sa krus at nabuhay na mag-uli. Para sa lahat ng tao. Inihain Niya ang Kanyang sarili para sa sangkatauhan. Si Hesus ay naging handog para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Subalit, matapos ang Kanyang paghahain ng sarili sa krus, Siya'y muling nabuhay. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol. Matapos magpakita sa dalawang apostol sa daang patungong Emaus, si Hesus na Muling Nabuhay ay nagpakita sa iba pang mga apostol na nasa isang silid. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ni Hesus na ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay tunay at totoo. Iyan ang Mabuting Balita. Si Kristo Hesus na namatay sa krus ay nabuhay na mag-uli. 

Mayroong dahilan kung bakit tayong mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo ay buong galak na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Ang tunay na Kristiyano ay nananalig at sumasampalataya kay Kristo nang may galak. Ang dahilan nito ay walang iba kundi si Kristong Muling Nabuhay. Siya'y nagpakasakit at namatay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Subalit, hindi Siya nanatiling patay sapagkat muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento