Sabado, Abril 24, 2021

ANG KANYANG NAISIN

2 Mayo 2021 
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 9, 26-31/Salmo 21/1 Juan 3, 18-24/Juan 15, 1-8 



Sabi ni Hesus sa mga alagad sa Ebanghelyo: "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa Akin, at Ako sa kanya, ang siyang mamumunga nang sagana sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa Akin" (Juan 15, 5). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inihayag ni Hesus na wala tayong magagawa kung wala Siya sa ating buhay. Walang silbi ang ating mga pagsisikap kung hindi tayo nakaugnay sa Kanya. Mauuwi na lamang sa wala ang ating mga pagsisikap na mamuhay nang banal kung wala tayong ugnayan kay Kristo. Ito ang halaga ng ugnayan kay Kristo bilang isang Simbahan. 

Hindi natin dapat kalimutan ang katotohanan na ang Panginoon ay ang bukal ng kabanalan. Sa Kanya nagmumula ang kabanalan. Katunayan, Siya mismo ang pinakabanal sa lahat. Wala nang hihigit pa sa kabanalan ng Diyos. Ang tangi nating magagawa ay maging banal katulad Niya. Sikaping mamuhay nang banal sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Katunayan, iyan ang ginawa ng mga banal na tao, mga santo at santa, ng Simbahan, noong sila'y namuhay pa sa mundo. Paano nila iyon ginawa? Hindi nila hiniwalay ang kanilang mga sarili sa Diyos. Lagi nilang sinikap na manatiling nakaugnay sa Diyos. 

Isang halimbawa nito ay si Apostol San Pablo sa Unang Pagbasa. Isinalaysay niya sa mga alagad sa Herusalem kung paano nagpakita sa kanya si Kristo sa daang patungong Damasco. Mula noong nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesus sa daang patungong Damasco, nagbago si Apostol San Pablo. Mula sa pagiging isang taga-usig ng mga Kristiyano, siya'y naging isang tagasunod at apostol ni Kristo. Nangyari ang lahat ng iyon dahil niloob ito ng Panginoon. Ang kaloobang ito ng Panginoon ay buong kababaang-loob na tinanggap ni Apostol San Pablo. Sa halip na bumalik sa pagiging isang taga-usig ng mga Kristiyano, tinahak niya ang landas na inihanda ng Diyos para sa kanya bilang apostol at misyonero. Sa pamamagitan nito, inihayag ni Apostol San Pablo ang kanyang pasiya na maging kaugnay ng Diyos at ng Kanyang kalooban. Ipinasiya niyang huwag humiwalay sa Diyos. Pinili niyang manatiling nakaugnay sa Panginoon, kahit na ang ibig sabihin nito ay dadanas siya ng matinding pag-uusig. 

Gaya ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga banal, si Apostol San Juan ay nagpasiyang mamuhay na nakaugnay sa Panginoon. Katunayan, ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay tungkol sa buhay na nakaugnay sa Diyos. Itinuturo niya kung paano tayong makakapamuhay na nakaugnay sa Diyos at kung paanong hindi tayo mapapahiwalay sa Kanya. Sabi ni Apostol San Juan, dapat nating tuparin ang Kanyang mga utos at isagawa ang anumang kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Kapag iyon ang ginawa natin, inihahayag natin ang ating naisin na mamuhay na nakaugnay sa Diyos. 

Oo, kailangan nating lumago sa pananampalataya. Kailangang nating lumago bilang mga mananampalatayang bumubuo sa Simbahan. Subalit, ang paglago sa pananampalataya ay hindi nangangahulugang ihiwalay ang sarili sa Diyos. Kung tutuusin, ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay hindi nagsalita nang ganyan kailanman. Wala Siyang sinabing ganoon kailanman. Kaya nga, ang sabi ng Panginoong Muling Nabuhay sa Ebanghelyo na ang mga hiwalay o hindi magkaugnay sa Kanya ay walang kayang gawin. Kapag ipinasiya nating mamuhay na nakahiwalay sa Panginoong Diyos na Siyang bukal ng kabanalan, lalo lamang hindi lalago ang ating pananampalataya. 

May kalayaan tayong magpasiya para sa ating mga sarili. Ang kalayaang ito ay kaloob ng Diyos sa atin. Hindi Niya tayo pipilitin. Hahayaan Niya tayong mamili para sa ating mga sarili. Kahit nais Niyang tuparin natin ang Kanyang kalooban o plano para sa atin, wala Siyang magagawa kung hindi tayo papayag. Huwag nating kakalimutan iyan. Hindi tayo pipilitin ng Diyos. 

Ang nais ng Diyos para sa atin ay mamuhay tayong nakaugnay sa Kanya. Nais ng Diyos na magkaroon tayo ng ugnayan sa Kanya upang lalong lumago ang pananampalataya natin sa Kanya bilang mga Kristiyanong bumubuo sa nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa. Iyan ba ang ating kagustuhan? Ang kalooban ba ng Diyos para sa atin ay nais rin nating mangyari? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento