Sabado, Mayo 1, 2021

PAGSAKSI NANG BUKAL SA KALOOBAN

9 Mayo 2021 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17 



"Tulad natin, sila'y [sina Cornelio at ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan] pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?" (Mga Gawa 10, 47) Ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ni Apostol San Pedro nang masaksihan niya ang paglukob ng Espiritu Santo kina Cornelio at sa kanyang mga kapamilya at kaibigan na nagtipon sa kanyang bahay sa mga sandaling iyon. Si Apostol San Pedro ay pumunta sa bahay ni Cornelio na isang Hentil upang mangaral sa kanya tungkol sa Panginoon. Sa gitna ng kanyang pangaral tungkol kay Kristo, nasaksihan ni Apostol San Pedro ang pagbaba ng Espiritu Santo kay Cornelio at sa kanyang pamilya at pati na sa mga kaibigan ng senturyon na nasa bahay niya sa mga sandaling iyon. 

Kahit na sila'y mga Hentil, niloob ng Espiritu Santo na bumaba kina Cornelio at sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Niloob ng Banal na Espiritu na maging bukas sina Cornelio at ang buo niyang sambahayan at mga kaibigan sa Kanya. Niloob ng Panginoong Diyos na tanggapin nina Cornelio at ng kanyang pamilya at kaibigan ang pananampalatayang ipinangaral ni Apostol San Pedro at ng iba pang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Sa kabila ng pagiging mga Hentil, sina Cornelio at ang kanyang pamilya at kaibigan ay naging bukas sa Ebanghelyong ipinangaral ni Apostol San Pedro. Kahit na mga Hentil sila, ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo ay kanilang tinanggap at sinampalatayanan. 

Ang Mabuting Balita tungkol sa pagligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo na ipinangaral ni Apostol San Pedro at ng iba pang mga apostol ay tinanggap at sinampalatayanan nina Cornelio at ng kanyang mga kaibigan at pamilya. Kahit na sila'y mga Hentil, tinanggap nina Cornelio at ng kanyang mga kaibigan at pamilya ang Panginoong Hesus at sumampalataya sa Kanya. Ang lahat ng ito'y hindi mangyayari kung hindi ito niloob ng Diyos. Nangyari ang lahat ng iyon dahil lamang sa kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Apostol San Pedro ay magtungo sa bahay ni Cornelio upang mangaral tungkol sa Mabuting Balita. 

Bakit nga ba niloob ng Diyos na ipalaganap ng Simbahan sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang Mabuting Balita? Pag-ibig. Ang pag-ibig ng Diyos na tinalakay sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo ang dahilan. Sabi ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig "nang suguin Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan Niya" (4, 9). Sa Ebanghelyo, inutusan ni Hesus ang mga alagad na mag-ibigan (Juan 15, 17). Dapat tayong mag-ibigan dahil utos ito ng unang umibig sa atin na walang iba kundi ang Panginoon. 

Nais ng Diyos na mag-ibigan tayo. Sa pamamagitan nito, ang Kanyang pag-ibig ay iiral at lalaganap. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Kanyang pag-ibig, makikilala Siya ng lahat bilang Diyos na tunay na nagmamahal sa lahat. Kapag ipinalaganap natin ang pag-ibig ng Diyos, sumasaksi tayo sa Mabuting Balita tungkol sa pagligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na bunga ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Subalit, tayo pa rin ang magpapasiya kung susundin natin ang utos na ito ng Panginoon sa atin. Kung ang ating mga puso at ang buo nating sarili ay bubuksan natin sa Panginoon, magiging bukal ang ating pagtupad sa utos Niyang ito. Sa pamamagitan ng pagtupad natin sa utos ng Panginoon nang bukal sa puso, sumasaksi tayo sa Kanyang dakilang pag-ibig na dahilan ng Kanyang pagligtas sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento