Biyernes, Mayo 28, 2021

KALIGTASANG BUNGA NG PAG-IBIG

11 Hunyo 2021 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (B) 
Oseas 11, 1. 3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37 



Isa sa mga masisikat na anime na ipinalabas noong 2000s ay walang iba kundi ang Death Note. Katulad ng maraming anime, hango ito sa isang manga. Ang kuwento ng Death Note ay nakasentro sa isang napakatalinong estudyante na pumapasok sa isang mataas na paaralan. Ang pangalan ng estudyanteng ito ay Light Yagami. Isang araw, nakahanap siya ng isang itim na kuwaderno sa labas ng paaralang pinapasukan niya. Nang basahin niya ang nakasulat sa itim na kuwadernong ito, ang Death Note, naisip niyang subukang gamitin ito upang matiyak niya kung totoo nga ba ito o hindi. Matapos niyang subukang gamitin ang itim na kuwadernong ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga maliliit na kriminal, nalaman niyang totoo nga ang kapangyarihang ito. Nalaman din niyang nahulog ito mula sa mundo ng mga Shinigami (diyos ng kamatayan). Ang may-ari ng kuwadernong ito na naglaglag nito mula sa mundo ng mga Shinigami ay isang Shinigami na kilala bilang Ryuk. Ang dahilan raw kung bakit inilaglag ni Ryuk ang itim na kuwadernong ito sa mundo ng mga tao ay dahil nais niyang magkaroon ng libingan. 

Madali lamang gamitin ang Death Note. Kailangan lamang isulat sa nasabing kuwaderno ang pangalan ng isang tao. Mamamatay ang taong iyon sa loob ng apatnapung segundo matapos maisulat ang kanyang pangalan sa kuwadernong iyon. Pati nga ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay maaari ring isulat. Kapag naisulat ang dahilan o sanhi ng pagkamatay ng isang tao, iyon ang mangyayari. Subalit, kapag naisulat ang pangalan ng isang tao ngunit ang sanhi o dahilan ng kanyang pagkamatay, ang magiging sanhi ng kanyang pagkamatay ay atake sa puso. Ang Death Note ay ginamit ni Light upang "lumikha" ng isang panibagong mundo kung saan umiiral lamang ang kabutihan. Sinikap niyang gawin ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga pangalan ng mga kriminal sa Death Note upang sila'y mamatay. Dahil dito, si Light ay binansagang "Kira" ng karamihan, bagamat hindi nila alam kung ano ang kanyang itsura. Hindi lamang iyan. Nag-ambisyon pa si Light na maging diyos ng bagong mundo na kanyang "likha." Siya lamang ang masusunod. Siya ang katarungan. Siya ang diyos. Itatalaga niya ang kanyang sarili bilang diyos at pinuno ng mundong ito. 

Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung binalak o ninais ng mga nag-ambisyong maging diyos, katulad na lamang ni Light Yagami ng Death Note, na lipulin ang lahat ng mga masasamang tao sa mundo, ang hangad ng Panginoong Diyos ay iligtas ang lahat ng tao dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Sa halip na karahasan at lagim ang ipinalaganap ng Diyos, ang ipinapalaganap ng Diyos ay ang Kanyang tunay at dakilang pag-ibig. Ito ang sinasagisag ng Mahal na Puso ni Hesus. 

Ang Diyos mismo ang nagsabi sa Unang Pagbasa na hindi Siya naparito upang magwasak (Oseas 11, 9). Hindi paglipol ang dahilan ng pagparito ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Bagkus, naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat. Kaya nga, sabi ng Diyos sa Unang Pagbasa na malasakit at awa ang nanaig sa Kanyang Puso (Oseas 11, 8k). Ito ang dahilan kung bakit nangyari ang kaganapang tampok sa salaysay sa Ebanghelyo na walang iba kundi ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus. Si Hesus ay namatay sa krus upang iligtas ang sangkatauhan dahil ang Kanyang pag-ibig para sa lahat ay tunay at dakila. 

Dahil sa pag-ibig na ito ng Panginoong Diyos na tunay ngang dakila at walang hanggan, hinirang Niya si Apostol San Pablo at ang iba pang mga apostol at ang mga humalili sa kanila upang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa na siya "ang pinakahamak sa mga hinirang ng Diyos" (Efeso 3, 8). Subalit, pinili pa rin siya ng Diyos upang ipangaral sa lahat ang Magandang Balita ng kaligtasan. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos na bunga ng Kanyang pag-ibig para sa lahat. Isa si Apostol San Pablo sa mga pinili at hinirang ng Diyos upang ipangaral sa lahat ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito, ipinapakilala nila ang Panginoon bilang Diyos na puspos ng pag-ibig at awa para sa lahat. 

Tunay at dakila ang pag-ibig ng Diyos. Ang biyaya ng kaligtasan ay bunga ng Kanyang pag-ibig para sa lahat. Ipinagkaloob Niya ang biyayang ito sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ibinigay Niya sa atin si Hesus upang maging ating Tagapagligtas dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Ito ang tunay na ninais ng Panginoon. Ito ang tunay na lamang ng Kanyang Puso. Hindi Niya nais na mapahamak tayo. Nais Niya tayong iligtas dahil tunay ngang dakila ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Ito ang ipinapaalala sa atin ng Mahal na Puso ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento