Huwebes, Mayo 6, 2021

KAHILINGAN NI INANG MARIA: KAHILINGAN NG DIYOS

13 Mayo 2021 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
Huwebes sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 18, 1-8/Salmo 97/Juan 16, 16-20 

(Screenshot from: Vatican News YouTube Channel - Pope Francis in Fatima: Visit to the Chapel of Apparitions)

Sa kanyang huling pagpapakita sa Fatima, ipinakilala ng Mahal na Birhen ang kanyang sarili. Ipinakilala ni Maria ang kanyang sarili sa tatlong bata sa Fatima na sina Lucia at ang magkapatid na San Francisco Marto at Santa Jacinta Marto bilang Birhen ng Banal na Rosaryo. Ang kanyang kahilingan ay ang palagiang pagdarasal ng Santo Rosaryo. Sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo, magkakaroon ng pagkakataon ang bawat isa na pagnilayan ang mga mahahalagang sandali sa buhay ng Panginoong Hesus habang pinagdarasal ang kapakanan ng daigdig. 

Kung tutuusin, hindi naman kinailangang magpakita ang Mahal na Ina sa tatlong bata sa Fatima nang anim na ulit. Maaari na lamang niyang sulyapan mula sa langit ang pagkawasak ng daigdig. Maaari na lamang sulyapan ang bawat tao na walang malasakit para sa kapwa at nagpapairal ng karahasan. Katunayan, ang Unang Digmaang Pandaigdig (World War I) ay nagaganap noong panahong iyon. Maaari na lamang pagmasdan ng Mahal na Birhen ang iba't ibang uri ng gulo sa daigdig na kagagawan ng bawat tao. 

Subalit, bakit nagpakita ang Mahal na Ina sa Fatima? Ang dahilan ng anim na pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa Fatima nang anim na ulit ay katulad ng dahilan ng pagtungo nina Apostol San Pablo at ang kanyang mga kasama sa bawat lugar sa kanilang misyon na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Nagtungo sila sa iba't ibang lugar upang ipangaral ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang habag at awa ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ay kanilang ipinangaral at pinatotohanan saanman sila nagtungo. Kahit na may mga bayang hindi tumanggap sa kanilang ipinangangaral, hindi sila tumigil sa pagtupad ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. 

Patuloy na isinasagawa ng Simbahan sa kasalukuyang panahon ang misyon ng mga apostol. Ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesus sa mga apostol ay ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan. Ito ay ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pagsaksi kay Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Kahit na may mga hindi tatanggap sa ipinangangaral ng Simbahan, ang Simbahan ay hindi titigil sa pagtupad sa misyong ito na ibinigay ni Kristo sa mga apostol. Ang misyong ito ay ipagpapatuloy pa rin ng Simbahan nang buong katapatan sa Panginoon. Isa lamang ang dahilan kung bakit patuloy itong isasagawa ng Simbahan. Kalooban ito ng Panginoon. Kalooban Niyang makilala Siya ng lahat ng tao sa mundo at tanggapin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas na tinamo Niya sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. 

Katulad ng Panginoon, nais ng Mahal na Inang si Maria na maligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus. Iyon ang dahilan kung bakit nagpakita siya sa Fatima. Ito ang nais ng Diyos na ninais rin ni Maria. Ang pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima ay kalooban ng Diyos. Ang hiling ng Mahal na Birheng Maria sa Fatima ay hiling rin ng Diyos. Kung tutuparin natin ang hiling ng ating Inang si Maria, tinutupad natin ang hiling ng Diyos. 

May pangako ang Panginoong Hesukristo para sa mga tutupad sa kahilingan at kalooban ng Diyos. Ang pangakong ito ay inihayag sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa Ebanghelyo na magiging kagalakan ang kalungkutan. Ito ang pangako ni Hesus para sa mga tatanggap at tutupad sa kahilingan at kalooban ng Diyos nang buong katapatan. Hindi magtatagal ang kalungkutan at kapighatian nila habang sila'y nabubuhay sa daigdig. Hindi sila makakaligtas mula sa mga pagsubok, dalamhati, at pighati sa daigdig na ito. Subalit, ang pangako ng Panginoon, hindi magtatagal ang mga sandaling ito, lalo na sa kabilang buhay. Darating ang panahon kung kailan papawiin niya ang lahat ng kalungkutan at hapis ng mga tutupad sa kalooban ng Diyos nang buong katapatan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento