Huwebes, Mayo 20, 2021

HINDI DAPAT SINASARILI

31 Mayo 2021 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 



"Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan" (Lucas 1, 43-44). Ito ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Elisabet nang dumating ang kanyang kamag-anak na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria sa kanyang bahay upang dalawin siya sa salaysay sa Ebanghelyo. Inilarawan rin ng mga salitang ito ni Elisabet sa salaysay ng pagdalaw ng Mahal na Birhen sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit inilaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain at ipagdiwang ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. 

Ang pagdalaw ng Mahal na Ina sa kanyang kamag-anak na si Elisabet ay isang napakahalagang sandali o kaganapan sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa mga sandaling ito, si Hesus na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay nakilala ni San Juan Bautista na nasa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet. Ang presensya ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus ay nakilala na ni San Juan Bautista. Iyon ang dahilan kung bakit ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa sa loob ng sinapupunan ni Elisabet. Ang presensya ni Kristo Hesus ay naghahatid ng tuwa sa lahat. 

Naghahatid ng galak at tuwa sa lahat ang presensya ng Panginoon. Iyon ang dahilan kung bakit ang panawagan ni propeta Sofonias sa Lungsod ng Sion sa Unang Pagbasa ay magalak. Ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng galak at tuwa sa Israel. Pinapawi Niya ang ating lungkot, hapis, luha, at dalamhati. Oo, bahagi ng buhay natin bilang mga taong naglalakbay sa daigdig na ito ang lungkot, hapis, pagluha, at dalamhati. Subalit, ipinapaalala sa atin ng Diyos na hindi magtatagal ang mga ito. Darating ang panahon kung kailan papawiin Niya ang lahat ng ito sa atin at pupuspusin Niya tayo ng galak at tuwa na kaloob Niya sa bawat isa sa atin. 

Katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, hinahamon tayo na dalhin natin ang ating Panginoong Hesus. Maging tagapagdala tayo ni Kristo. Ibahagi natin Siya sa iba. Hindi natin dapat sinasarili si Kristo at ang Kanyang mga pagpapalang hatid Niya. Bagkus, dapat nating ibahagi at ipalaganap si Kristo at ang mga pagpapalang Kanyang kaloob sa iba. Iyan ang kailangan nating gawin bilang mga misyonero ng Panginoon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento