24 Mayo 2021
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34
Isang tanda ng pagiging seryoso ng isang lalaki sa kanyang kasintahan ay ang pagpapakilala sa babae sa kanyang mga magulang. Kapag ipinakilala ng isang lalaki ang kanyang kasintahan sa kanyang mga magulang, napapatunayan niya ang kanyang pagiging seryoso at tapat sa kanyang relasyon sa babaeng naging kanyang kasintahan. Sineseryoso niya ang kanyang relasyon at pag-ibig para sa kanyang kasintahan.
Sa araw na ito, ang Lunes kasunod ng Linggo ng Pentekostes, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa isa sa mga titulo ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang titulong "Ina ng Simbahan." Ang titulong ito ay ibinigay mismo ni Hesus sa Ebanghelyo. Isa sa mga huling sandali sa buhay ng Panginoon dito sa daigdig ang isinalaysay sa Ebanghelyo. Katunayan, ang naturang eksenang ito ay naganap noong nakapako na Siya sa krus. Habang nakabayubay sa krus, ipinagkatiwala ni Kristo ang Mahal na Inang si Maria at si Apostol San Juan sa pangangalaga ng bawat isa. Mula noong sandaling iyon, kinilala si Maria bilang Ina ng Simbahan. Sa sandaling ito, si Maria ay naging Ina ng Simbahan.
Ang titulo ng Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Simbahan ay isang tanda ng pag-ibig ng Panginoong Hesukristo para sa Kanyang Simbahan. Pinatunayan Niyang tunay Niyang minamahal ang Kanyang Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit Niya ibinigay si Maria upang maging Ina ng Simbahan. Ibinigay Niya ang Mahal na Birhen sa Simbahan upang maging kanyang Ina sapagkat tunay ang Kanyang pag-ibig para sa Simbahan.
Batid ng Panginoong Hesukristo na ang Kanyang Simbahan ay binubuo pa rin ng mga makasalanan sa kabila ng Kanyang pagiging perpekto. Kahit na walang bahid ng kasalanan ang Simbahang Kanyang itinatag, mayroon pa ring mga makasalanan na bumubuo pa dito. Batid Niyang may mga pagkakataon kung saan hindi magiging tapat ang tao katulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa. Sinuway nina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden. Pero, nagbitiw pa rin Siya ng isang pangako sa kanila sa kabila ng kanilang pagsuway o paglabag sa Kanyang utos. Ang pangakong iyon ay natupad sa pamamagitan ni Hesus na iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Inang si Maria. Tulad ng ginawa ng Diyos sa Unang Pagbasa, ibinigay rin ng Panginoong Hesukristo sa Simbahang itinatag Niya ang Kanyang Ina. Patunay ito ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.
Katulad ng kanyang ginawa para sa mga apostol sa silid habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo, patuloy na nananalangin at sumasama sa atin ang Mahal na Ina. Sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin, tayong lahat ay tinutulungan ng Mahal na Inang si Maria. Sinasamahan rin niya ang bawat isa sa atin saanman tayo magtungo. Sa pamamagitan nito, nasasalamin ang pag-ibig ng Panginoong Hesukristo para sa Kanyang Simbahan. Ipinagkaloob Niya ang Mahal na Ina sa Kanyang Simbahan dahil sa Kanyang pag-ibig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento