Sabado, Mayo 8, 2021

ANG MISYON NG SIMBAHAN

23 Mayo 2021 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: Juan 15, 26-27; 16, 12-15) 



Limampung araw matapos ipagdiwang ang pinakadakilang kapistahan sa buong taon na walang iba kundi ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Linggo ng Pentekostes. Isang napakahalagang araw ang Linggo ng Pentekostes sa Kalendaryo ng Simbahan. Ang Linggo ng Pentekostes ay itinuturing na Kaarawan ng Simbahan. Sa araw na ito, sinimulan ng mga apostol ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Matapos pumanaog ang Espiritu Santo sa mga apostol, lumabas sila mula sa silid na kanilang pinagtitipunan ang mga apostol upang simulan ang misyon ng Ebanghelisasyon o pagpapalaganap ng Magandang Balita. Ang misyong ito ay tinanggap ng mga alagad mula kay Hesus bago Siya umakyat sa langit. Bago Siya umakyat sa langit, inutusan ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol na hintayin muna sa Herusalem ang pangako ng Amang sinabi Niya sa kanila (Mga Gawa 1, 4). Ang pangakong iyon ay natupad noong araw ng Pentekostes. Sa araw na iyon, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit upang ipagkaloob sa kanila ang mga biyayang kaloob Niya. Ang mga biyayang ito na ipinagkaloob ng Espiritu Santo ang tutulong sa mga apostol habang tinutupad nila ang misyong ibinigay sa kanila ni Hesus. 

Sabi sa salaysay sa Unang Pagbasa na ang mga apostol ay nagtipun-tipon sa isang silid. Subalit, lumabas sila mula sa silid na ito matapos ang pagpanaog ng Espiritu Santo. Matapos bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, sinimulan nilang magpatotoo tungkol kay Kristo. Walang takot silang nangaral sa mga tao noong araw na iyon ang Magandang Balita tungkol kay Kristo. Nagawa nila ang lahat ng iyon ay dahil sa mga biyayang ipinagkaloob ng Espiritu Santo na nagbago sa kanila. Binago sila ng mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu Santong pumanaog sa kanila. Sabi ni Apostol San Pablo sa simula ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, walang makakapagsasabing Panginoon si Hesus kung wala sa kanya ang pamamatnubay ng Espiritu Santo (1 Corinto 12, 3b). Iyon ang dahilan kung bakit ang mga apostol ay nangaral tungkol kay Kristo Hesus nang buong kagitingan at sigla. Ang Espiritu Santo ang Siyang tumutulong at pumapatnubay sa kanila na gawin iyon nang buong tapang at sigla. 

Ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan ang misyon ng mga apostol na sumaksi kay Kristo sa iba't ibang bahagi ng mundo. Ang misyon ng Simbahan ay hindi nagbabago. Kung ano ang naging misyon ng mga apostol, iyon din ang misyon ng Simbahan na patuloy Niyang tutuparin. Lumipas man ang maraming taon sa kasaysayan, hindi magbabago ang misyon ng Simbahan. Hindi hihinto ang Simbahan sa pagiging saksi ni Kristo sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang dahilan nito ay ang pamamatnubay ng Espiritu Santo. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan na magpatotoo tungkol kay Kristo at ipagalanap sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang Magandang Balita. 

Bilang isang Simbahan, mayroon tayong misyon bilang mga saksi ni Kristo. Ang misyong ito ay hindi ekslusibo para sa mga pari, mga madre, mga relihiyoso at relihiyosa. Hindi lamang mga pari, obispo, o kardinal ang maaaring tumupad sa tungkuling ito. Tandaan, ang Simbahan ay hindi lamang binubuo ng mga obispo, pari, madre, at mga relihiyoso't relihiyosa. Tayong lahat ang bumubuo sa nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo. Kaya naman, ang misyong ito na bigay ni Hesus sa mga apostol ay para rin sa atin. 

Ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo ay para sa atin. Sabi Niya, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo" (Juan 20, 22). Hindi lamang ito para sa mga apostol kundi sa buong Simbahan. Ang mga salita ni Hesus sa mga alagad nang Siya'y magpakita sa kanila matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay para rin sa atin sa kasalukuyang panahon. Si Hesus rin mismo ang nagsabi kung bakit dapat nating tanggapin ang Espiritu Santo. Sabi ni Hesus sa mga apostol na tutulungan sila ng Espiritu Santo na unawain ang buong katotohanan (Juan 16, 13). Bagamat nasabi Niya ito sa mga alagad, hindi Niya ito ginawang ekslusibo sa kanila. Hindi lamang ito para sa mga apostol at sa kanilang mga humalili sa kanila. Kung naging ekslusibo ito para sa mga apostol lamang, hindi sasabihin ni Apostol San Pablo na dapat nating gawing patnubay ang Espiritu Santo sa ating buhay (Galacia 5, 16). Hindi lamang ito ekslusibo para sa mga opisyal sa Simbahan. Bagkus, ito ay para sa lahat ng mga bumubuo ng Simbahan. 

Mayroong misyon ang lahat ng mga bumubuo ng Simbahan. Ang misyong ito ay sumaksi kay Kristo. Mula noong pumanaog sa kanila ang Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, hindi tumigil ang mga apostol sa pagmimisyon bilang mga tagapaghatid ng Mabuting Balita. Sa paglipas ng panahon, ang Simbahan ay hindi tumigil sa pagpapatotoo kay Kristo. Huwag rin tayong tumigil. Bilang mga bumubuo sa Simbahan, ipagpatuloy natin ang misyong ito. Hayaan natin ang Espiritu Santo na baguhin tayo at gawin tayong mga saksi ni Kristo Hesus sa makabagong panahon. Maging panalangin nawa natin ang mga salita sa Salmo para sa araw na ito: "Espiritu Mo'y suguin, Poon, tana'y 'Yong baguhin" (Salmo 103, 30). Kapag lagi nating bubuksan ang ating sarili sa mga pagpapalang bigay ng Espiritu Santo na nagdudulot ng pagbabago sa atin, matutupad natin nang buong kagitingan at sigla ang ating misyon bilang Simbahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento