16 Mayo 2021
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (B)
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 47/Efeso 1, 17-23*/Marcos 16, 15-20
*Alternatibong Ikalawang Pagbasa: Efeso 4, 1-13 (o kaya: 4, 1-7. 11-13)
Isa sa mga masisikat na anime na ipinalabas noong dekada 90 ay walang iba kundi ang Neon Genesis Evangelion na kilala ng karamihan bilang Evangelion. Nakakatawag ng pansin ang kahulugan ng pangalan ng palabas na ito. Kung gagamitin natin ang literal na salin ng pangalan ng nasabing palabas, ang ibig sabihin nito ay "Magandang Balita para sa makabagong panahon."
Ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ni Hesus ay nakatuon sa misyon ng Simbahan. Mayroong misyon ang Simbahan na sumaksi kay Hesus. Ang pangunahing misyon ng Simbahan ay ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa bawat sulok ng daigdig. Sa pamamagitan nito, ang Simbahan ay sumasaksi kay Kristo Hesus nang buong sigla at katapatan sa Kanya.
Matagal nang sumasaksi kay Kristo ang Simbahan. Matagal nang ipinalaganap ng Simbahan sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang Mabuting Balita. Katunayan, ang misyong ito ay minana ng Simbahan mula sa mga apostol. Tampok ito sa salaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Sabi sa salaysay ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon na matatagpuan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa araw na ito na inatasan Niya ang mga apostol na magtungo sa iba't ibang bahagi ng daigdig upang sumaksi sa Kanya. Bago Siya umakyat sa langit, ang mga apostol ay binigyan ng Panginoong Hesukristo ng isang misyon. Inatasan Niya silang ipalaganap ang Mabuting Balita sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Sa pamamagitan ng paglaganap ng Banal na Ebanghelyo sa iba't ibang bahagi ng daigdig, ang mga apostol ay nagpapatotoo tungkol kay Kristo. Naipapakilala nila si Kristo sa bawat lugar na kanilang pinuntahan sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi sa Kanya.
Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, nasabi ni Apostol San Pablo na ang Panginoong Hesus ay nakaluklok sa kanan ng Diyos (Efeso 1, 20). Ang Panginoong Hesus na namatay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw ay nakaluklok sa kanan ng Diyos. Ang nakaluklok sa kanang bahagi ng Ama sa langit ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus na nagligtas sa atin. Tayong lahat ay iniligtas ni Hesus na nakaluklok sa kanan ng Diyos Ama sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Oo, ilang ulit na nating narinig ito. Sa unang tingin, tila paulit-ulit na lamang ang ginagawa na lamang ng Simbahan. Kung tutuusin, matagal na itong ginagawa ng Simbahan. Dahil diyan, maaaring sabihin ng iba na luma na at wala nang halaga ang ipinangangaral ng Simbahan. Para sa iba, dapat nang baguhin ng Simbahan ang Kanyang ipinangangaral sapagkat magmumukha Siyang sirang plaka kung hindi Niya babaguhin ang Kanyang itinuturo.
Hindi magiging luma ang ipinapangaral ng Simbahan kailanman. Mananatili ang saysay at halaga ng ipinapangaral ng Simbahan. Lumipas man ang maraming taon, magbago man ang panahon, ang Simbahan ay hindi titigil o hihinto sa pagpapatotoo tungkol kay Kristo. Hindi titigil ang Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol sa pagligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Isa lamang ang dahilan kung bakit. Hindi ito magiging luma kailanman. Ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus ay hindi mawawalan ng saysay o kabuluhan kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento