12 Hunyo 2021
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51
Matapos ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa Kalinis-linisang Puso ni Maria. Ang araw kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, isang araw ng Sabado, ay inilaan ng Simbahan upang pagnilayan ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Sa araw na ito, inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa sa atin na pagnilayan ang dahilan kung bakit ang Puso ng Mahal na Ina ay dalisay, busilak, malinis.
Isa lamang ang dahilan kung bakit malinis, dalisay, o busilak ang Puso ng Mahal na Ina. Ang pagiging dalisay at malinis ng Puso ng Mahal na Birhen ay isang gawa ng Diyos. Walang kakayahan ang Mahal na Inang si Maria upang gawing malinis at busilak ang kanyang Puso. Hindi niya kayang gawin iyon sa ganang sarili lamang niya. Bagkus, isa itong gawa ng Diyos. Dahil sa Panginoong Diyos, ang Puso ng Mahal na Ina ay naging tunay na malinis o dalisay. Hindi kayang gawin ni Maria sa sarili niyang puso ang paglilinis o pagdalisay tulad ng ginawa ng Diyos. Ang Puso ng Mahal na Birheng Maria ay nilinis, dinalisay, binusilak ng mismong Panginoong Diyos na tunay niyang iniibig at sinasamba.
Kaya naman, sabi sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo na iningatan ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng bagay sa kanyang puso (Lucas 2, 51). Ang mga bagay na nauukol sa kanyang Anak na si Hesus, katulad na lamang ng tatlong araw na Siya'y nawala, ay iningatan ni Maria sa kanyang puso. Ang mga bagay tungkol sa kalooban ng Diyos ay iningatan ng Mahal na Ina sa kanyang puso. Hindi man niya maintindihan nang lubusan ang kalooban ng Diyos, iningatan pa rin niya ito sa kanyang puso. Tinanggap at sinunod pa rin niya ang mga nais ng Diyos. Ang pagiging bukas ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang kalooban ay tanda ng kanyang pahintulot na linisin at dalisayin ng Panginoong Diyos ang kanyang puso.
Ang pagliligtas ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayang hinirang ay binanggit sa Unang Pagbasa (Isaias 61, 11). Ano naman ang koneksyon ng pagligtas ng Diyos sa pagdalisay Niya sa tao? Sa pamamagitan ng pagligtas ng Diyos, ang lahat ay Kanyang dinalisay at nilinis. Ang lahat ng mga iniligtas ng Panginoon ay nilinis Niya. Dinalisay ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga iniligtas. Si Maria ay isang halimbawa. Dahil sa pagligtas ng Diyos sa kanya sa sandali ng paglihi sa kanya sa sinapupunan ni Santa Ana, naging malinis, dalisay, ang Puso ng ating Mahal na Birheng Maria.
Gaya ng Mahal na Birheng Maria, maging bukas tayo sa kalooban ng Diyos at hayaan natin Siyang maghari sa ating buhay. Hayaan natin ang Diyos na linisin at dalisayin ang ating mga puso. Hayaan nating tuparin ng Diyos ang Kanyang kalooban. Tanggapin at sundin natin ang Kanyang kalooban. Kapag ginawa natin iyon, magiging tunay na busilak, dalisay, malinis ang ating mga puso. Sa gayon, buong puso tayong makakapagbigay ng papuri at pagsamba sa kaisa-isang Panginoong nagligtas at dumalisay sa atin. Kasama nating nagpupuri at umaawit sa Panginoon ang ating Mahal na Inang si Maria at ang lahat ng mga anghel at banal sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento