13 Hunyo 2021
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang kanyang pinakananais ay maging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos (2 Corinto 5, 9). Ang dahilan kung bakit nais niyang maging kalugud-lugod sa Diyos ay kaniya ring nasabi sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na mayroon siyang lakas ng loob na iwanan ang kanyang katawan "upang manirahan sa piling ng Panginoon" (2 Corinto 5, 8). Nais niyang makapiling ang Panginoong Diyos. Ang tanging naisin ni Apostol San Pablo ay makapiling ang Diyos. Iyon ang kaisa-isang dahilan kung bakit buong kababaang-loob na naglingkod bilang saksi at misyonero ni Kristo si Apostol San Pablo sa mga lugar na kanyang pinuntahan. Wala siyang inaksayang oras o sandali upang paglingkuran ang Diyos.
Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay nakasentro sa isang paraan ng pagiging kalugud-lugod sa Diyos. Katunayan, ang paraang ito ay ang sentro o ang bukal ng pagiging kalugud-lugod sa paningin ng ating Panginoong Diyos. Ito ang nasa puso ng pagiging kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Iyon ay walang iba kundi ang pagiging mababang-loob. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga lingkod na tapat sa Kanya. Isa sa mga katangian ng mga lingkod ng ating Panginoong Diyos na Kanyang kinalulugdan ay ang kanilang pagkakaroon ng kababaang-loob. Ang Panginoon ay tunay ngang nalulugod sa kababaang-loob ng Kanyang mga tapat na lingkod.
Ito ang dahilan kung bakit ang larawan ng isang mababang punongkahoy ay ginamit ng Diyos sa Kanyang pahayag sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel sa Unang Pagbasa. Isa lamang ang ibig sabihin ng pahayag na ito ng Diyos sa bayang Israel na Kanyang ipinasabi kay propeta Ezekiel. Darating ang panahon kung kailan magiging isang malayang bansa muli ang bayang Israel. Magwawakas ang panahon ng pagkakatapon sa Babilonia. Ang mga Israelita ay babalik din sa Herusalem balang araw. Muling dadakilain ng Panginoong Diyos ang Kanyang bayan na siyang "pinakakakaunti sa lahat" (Deuteronomio 7, 7). Hindi isang malaking bansa o bayan ang pinili ng Diyos upang maging Kanya kundi isang maliit na bayan na walang iba kundi ang Israel. Sa kabila ng paulit-ulit nilang pagsuway sa Kanya, pinili pa rin sila ng Diyos. Pinili pa rin ng Diyos na ibigin at lingapin ang Israel bilang Kanyang bayan.
Katulad na lamang ng pahayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa, gumamit rin si Hesus ng larawan ng isang maliiit na bagay sa Ebanghelyo. Tampok sa Ebanghelyo ang mga talinghaga ni Hesus tungkol sa binhing inihasik sa bukid at ang butil ng mustasa. Sa pamamagitan ng mga talinghagang ito, lalo na ang talinghaga tungkol sa butil ng mustasa, inilarawan ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang Kanyang paglingap at pag-ibig para sa mga nasa abang kalagayan. Ang mga nasa abang kalagayan o mga maliliit ay Kanyang itinatampok at dinadakila sa panahong Kanyang itinakda.
Bakit nga ba idinadakila ng Diyos ang mga aba? Iyan ay dahil sa Kanya umaasa ang mga aba. Nananalig at umaasa sa Kanya ang mga nasa abang kalagayan. Ipinagkakatiwala nila sa Panginoong Diyos ang lahat. Lagi silang namumuhay nang may kababaang-loob. Lagi silang kumakapit sa Panginoon. Ang kanilang kababaang-loob ay tanda ng kanilang katapatan sa Kanya. Sila'y nananalig at umaasa sa Panginoon dahil sa kanilang katapatan sa Kanya. Kumakapit sila sa Kanya dahil sa kanilang katapatan sa Kanya. Batid nilang tapat ang Panginoon magpakailanman. Dahil dito, ibinibigay din nila sa Kanya ang kanilang katapatan na nahahayag sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob.
Gaya ng sabi sa awit ng Mahal na Birheng Maria, ang Magnificat, "Itinataas [ng Diyos] ang mga nasa abang kalagayan" (Lucas 1, 52). Isa lang ang ibig sabihin nito. Ang Diyos ay nalulugod sa mga aba. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob dahil inihahayag nila ang kanilang katapatan sa Kanya. Ang hangarin nilang maging mga tapat na lingkod ng Panginoon hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa ay nahahayag ng kanilang kababaang-loob.
Nais ba nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Mamuhay nang may kababaang-loob.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento