20 Hunyo 2021
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Job 38, 1. 8-11/Salmo 106/2 Corinto 5, 14-17/Marcos 4, 35-41
Matapos pigilin ni Hesus ang unos, napatanong ang mga apostol sa isa't isa sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo: "Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?" (Marcos 4, 41). Ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo ay naghatid ng mangha sa Kanyang mga alagad. Hindi nila inakala na si Hesus na Anak ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ay nagtataglay ng isang hindi pangkaraniwang uri ng kapangyarihan. Alam nilang mahusay mangaral sa mga tao at puno ng karunungan si Hesus. Ngunit, hindi nila akalaing mayroon Siyang kakaibang uri ng kapangyarihan na tinataglay.
Sino nga ba Siya? Si Hesus na puno ng karunungan at mahusay mangaral sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos ay mayroong kapangyarihang utusan ang kalikasan. Sino nga ba ito? Mukha Siyang karaniwan, subalit mayroon Siyang taglay na kakaibang uri ng kapangyarihan. Paano nga ba nagawa ni Hesus na isang simpleng taong mula sa Nazaret na patigilin ang isang unos? Hindi lang puno ng karunungan at mahusay magsalita sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos ang Nazarenong ito na ang Ngala'y Hesus. Sino nga ba talaga Siya?
Bagamat namuhay Siya nang payak katulad ng karaniwang tao, maliban na lamang sa pagkakasala, hindi pangkaraniwan si Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Hindi lamang Siya isang salamangkero na mahusay ring magsalita at magturo sa mga tao. Hindi salamangka ang ginawa ni Hesus sa Lawa ng Galilea. Bagkus, Siya ang Anak ng Diyos. Si Hesus ay ang Diyos na dumating sa daigdig na ito upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Ang Diyos ay nagsalita tungkol sa Kanyang sarili sa Unang Pagbasa. Ang mga salita ng Panginoong Diyos kay Job sa Unang Pagbasa ay maituturing nating isang pagpapakilala ng Kanyang sarili. Inilarawan ng Diyos ang Kanyang mga ginawa mula noong nilikha Niya ang mundong ito sa Unang Pagbasa. Muling naipamalas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan sa kalikasan sa Ebanghelyo. Ginawa Niya ito sa Ebanghelyo dahil ito ang hiling ng mga apostol sa Kanya.
Huwag nating lilimutin na ang pinakadakilang gawa ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Kristo Hesus ay hindi ang pagpapatigil sa unos. Ang pinadakilang gawa ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay nabanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagtubos sa sangkatauhan ay ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan.
Kakaiba si Hesus. Namuhay Siya nang karaniwan nang Siya'y namuhay dito sa mundo. Subalit, hindi pangkaraniwan ang kapangyarihang Kanyang taglay. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay mayroong hindi pangkaraniwang kapangyarihan. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ay Diyos katulad at kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento