27 Hunyo 2021
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43)
Ang Unang Pagbasa ay nagsimula sa pamamagitan ng mga salitang ito: "Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos, ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi Niya ikinalulugod" (Karunungan 1, 13). Napakalinaw ng nais ilarawan ng mga salitang ito sa simula ng Unang Pagbasa. Inilalarawan ng mga salitang ito sa simula ng Unang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang buhay ay dapat nating pahalagahan. Ang buhay ay isang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang biyayang ito na una Niyang ipinagkaloob sa simula ng panahon kina Adan at Eba ay patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Kahit alam Niyang susuwayin at tatalikuran natin Siya nang paulit-ulit habang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito, ipinasiya pa rin Niyang ipahiram sa atin ang biyayang ito.
Mismong si Hesus ang nagsabi na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay (Mateo 22, 31-33; Marcos 14, 26-27; Lucas 20, 37-38). Bukod pa roon, ang Ikalimang Utos sa Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag kang papatay" (Exodo 20, 13). Sabi pa nga ng Panginoong Diyos sa isa sa mga aklat ng mga propeta sa Matandang Tipan: "Hindi Ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama . . . Ang ibig Ko nga, siya'y magsisi at magbagong buhay" (Ezekiel 18, 23). Ang biyaya ng buhay ay para sa lahat. Gaano mang kabuti o kasama ang isang tao, kailangan nating pahalagahan ang kanyang buhay. Kinakailangan nating igalang ang kanyang karapatang mabuhay. Pinahahalagahan ng Diyos ang buhay. Kaya naman, dapat natin itong pahalagahan, lalo't higit ang biyayang ito ay Kanyang ipinahiram lamang sa atin. Hindi tayo ang may-ari ng ating buhay kundi ang Diyos. Ipinahiram ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang biyaya ng buhay na tunay Niyang pinapahalagahan. Ang biyayang ito na Kanyang pinapahalagahan ay dapat rin nating pahalagahan.
Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong nagpagaling si Hesus ng dalawang tao. Kung tutuusin, ang isa sa mga ito ay hindi isang pagpapagaling kundi isang kaso ng pagbibigay-buhay sa isang namatay. Binuhay Niya ang isa sa dalawang babae sa Ebanghelyo. Ang unang himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay ang pagpapagaling sa isang babaeng labindalawang taong dinudugo. Gumaling siya matapos niyang hipuin ang damit ng Panginoong Hesukristo. Kasunod noon ay ang pagbibigay-buhay sa anak ni Jairo. Ang anak ni Jairo ay binuhay ni Hesus mula sa mga patay. Kahit patay na, binuhay siyang muli ni Hesus.
Sa mga eksena sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang kapangyarihang magbigay ng buhay sa tao at pagalingin ang kalusugan ng bawat isa. Si Hesus ay patunay na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay. Siya ang Diyos ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Ang buhay ng bawat isa sa atin sa daigdig ay galing sa Kanya. Siya rin ang may kapangyarihang pagalingin tayo mula sa iba't ibang karamdaman o sakit.
Bakit pinili Niyang gawin ito para sa tao? Bakit Niya pinagaling ang babaeng labindalawang dinudugo? Bakit Niya binuhay ang anak ni Jairo mula sa mga patay? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo Hesus ay naparito upang yumaman ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan (2 Corinto 7, 9). Ipinasiya Niyang maging dukha alang-alang sa sangkatauhan. Si Hesus, ang tunay na mayaman na nagmula sa langit, ay dumating sa daigdig na ito bilang isang dukha upang ang lahat ay maging mayaman. Si Kristo Hesus ay nagpaka-dukha upang maging mayaman ang lahat. Paano Niya tinulungan ang lahat na maging tunay na mayaman? Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sarili. Hindi ipinagdamot ni Hesus ang Kanyang sarili sa lahat. Bagkus, ibinigay Niya ang buo Niyang sarili alang-alang sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa krus upang tayong lahat ay mabuhay.
Puwedeng-puwedeng pabayaan na lamang ni Hesus ang lahat ng tao dito sa daigdig na mamatay na lamang. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang bumaba sa lupa bilang isang taong dukha, maliban sa kasalanan, alang-alang sa atin. Ang Kanyang kayamanan sa langit ay Kanyang iniwan alang-alang sa atin. Ginawa ito ni Hesus upang ituro sa lahat na tunay ngang buhay ang nasa langit at hindi mga bangkay. Ang langit ay hindi lugar ng mga bangkay kundi tahanan ng mga buhay na tapat sa Diyos. Ang mga tapat sa Panginoong Diyos ay namumuhay sa langit magpakailanman. Pinapatunayan nito na ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento