Sabado, Hunyo 19, 2021

MGA SANDALI NG LIGAYA AT PAGSUBOK

04 Hulyo 2021 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6 

Photo Credits: Good News Production International and College Press Publishing

Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas" (2 Corinto 12, 10). Naisulat niya ang mga salitang ito matapos niyang isalaysay sa mga Kristiyano sa Corinto sa nasabing liham ang kanyang panalangin sa Panginoon. Tatlong ulit niyang itinaas sa Panginoon sa kanyang panalangin ang isa niyang hiling. Ang kanyang pakiusap o panalangin sa Panginoon ay alisin ang kapansanan sa kanyang katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas (2 Corinto 12, 7-8). Sa ibang mga salin, ang tawag dito ay isang "tinik" sa katawan. 

Isa lamang ang nais ituro ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagiging tapat kay Kristo ay hindi madali. Ang pagiging isang matapat na saksi ni Kristo ay isang napakahirap na gawain. Ang pagtalima kay Kristo at pagsaksi sa Kanya nang buong kapatan ay hindi nangangahulugang kaligtasan mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kahit na pinagsisikapan nating maging tapat sa ating pagsaksi at pagtalima sa Panginoong Diyos, hindi tayo magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Kung tutuusin, hindi naman sinabi ni Hesus kailanman na magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig ang mga nagpasiyang maging Kanyang tapat na tagasunod at saksi. 

Katulad ni Apostol San Pablo, ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nakaranas din ng mga pagsubok habang tinutupad nila ang kanilang tungkulin bilang mga lingkod ng Diyos. Isang halimbawa nito ay si Propeta Ezekiel. Kung tutuusin, sa salaysay sa Unang Pagbasa, inilarawan pa nga sa kanya ng Diyos ang kanyang mga haharapin at dadanasin habang tinutupad niya ang kanyang misyon bilang propeta ng Diyos. Sabi pa kay Propeta Ezekiel na may posibilidad na ang mga tao ay hindi makikinig sa kanyang ipinangangaral (2, 5). Kahit na ang kanyang ilalahad sa kanila ay mga salita ng Diyos, may mga hindi makikinig sa kanya. 

Maski nga ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na nagkatawang-tao na si Hesus ay hindi pinakinggan at tinanggap. Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong hindi Siya tinanggap at kinilala sa mismong bayan ng Nazaret, ang bayan kung saan Siya lumaki sa pangangalaga ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Kahit na si Hesus ay lumaki at nagmula sa Nazaret, hindi Niya naranasan ang pagtanggap ng Kanyang mga kababayan sa Kanya. Bagamat ipinangaral ni Hesus ang Salita ng Diyos sa Kanyang mga kababayan, hindi nila Siya tinanggap. Kaya, sinabi ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo na walang propetang kinikilala, iginagalang, o tinatanggap sa sarili Niyang bayan (Marcos 6, 4). Ipinapakita ng sandaling ito sa buhay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus na hindi rin Siya naging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kahit ang Diyos, hindi tinanggap. 

Binabalaan tayo ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na huwag isiping ang mga lingkod ng Diyos ay hindi nakaranas ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Hindi madali para sa kanila ang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Labis silang nahirapan. Marami silang naranasang sakit, hirap, pighati, at pagsubok sa buhay. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. 

Handa ba tayong mamuhay nang tapat sa Panginoon sa bawat sandali ng ating buhay, lalo na sa mga sandali ng pagsubok? Iyan ang tanong na dapat nating pagnilayang maigi ngayong Linggo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento