Huwebes, Hunyo 10, 2021

ISANG NAPAKAHALAGANG SANDALI

24 Hunyo 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Ang pagdiriwang ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo sa daigdig na kilala rin bilang Pasko ng Pagsilang ay ipinagdiriwang ng Simbahan taun-taon tuwing ika-25 ng Disyembre. Ang pagdiriwang ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay ipinagdiriwang naman ng Simbahan pagsapit ng ika-8 ng Setyembre ng bawat taon. Subalit, hindi lamang ang pagsilang sa daigdig ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria ang ipinagdiriwang ng Simbahan taun-taon. Bagkus, mayroong isa pang tao na binigyan ng ganitong karangalan ng Simbahan. Ang taong iyon ay walang iba kundi si San Juan Bautista. Inilaan ng Simbahan ang ika-24 ng Hunyo ng bawat taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. 

Tiyak na alam natin ang dahilan kung bakit taun-taon nating ipinagdiriwang ang pagsilang sa daigdig ni Hesus na kilala rin natin bilang Pasko tuwing ika-25 ng Disyembre. Si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas. Tiyak na nauunawaan rin natin ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang pagsilang sa daigdig ng ating Mahal na Inang si Maria. Si Maria ang Ina ng ating Tagapagligtas na si Kristo at ang ating Ina. Ibinigay ni Kristo si Maria sa atin upang maging ating Ina rin. Bukod sa pagiging Ina ng ipinangakong Manunubos, si Maria ay Ina rin ng Simbahan. Subalit, tiyak na mayroong ilang tao na magugulat kapag nalaman nilang ang pagsilang sa daigdig ni San Juan Bautista ay ipinagdiriwang rin natin bilang isang Simbahan. Tiyak na may ilang taong mapapatanong kung bakit ang pagsilang sa daigdig ni San Juan Bautista ay ipinagdiriwang rin ng Simbahan. 

Inilaan ng Simbahan ang ika-24 ng Hunyo ng bawat taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista dahil sa kanyang papel sa kasaysayan ng pagligtas ng Panginoong Diyos sa sangkatauhan. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang misyon na ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging tagapagpauna o tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Bilang tagapagpauna ng Panginoong Hesukristo, inihanda ni San Juan Bautista ang bayang Israel para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagbibinyag sa Ilog Jordan. Iyan ang nagbibigay ng halaga sa kapanganakan ni San Juan Bautista sa daigdig. Ang kapanganakan ni San Juan Bautista sa daigdig ay isang napakahalagang yugto sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa kanyang misyon bilang tagapaghanda ng daraanan ni Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas. 

Kaya naman, buong manghang napatanong nang ganito ang mga dumalo sa pagtutuli ng sanggol na si San Juan Bautista: "Magiging ano kaya ang batang ito?" (Lucas 1, 66). Namangha ang mga dumalo sa nasabing okasyon sapagkat napagtanto nilang napakaespesyal ang batang ito. Matapos masaksihan ang lahat ng mga nangyari sa salaysay sa Ebanghelyo, lalo na ang pagsasalita ni Zacarias matapos ibigay ang pangalan ng sanggol, napagtanto nilang mayroong dahilan ang pagsilang ng nasabing sanggol. Napakahalaga ang mangyayari sa sanggol na si San Juan Bautista sa kanyang paglaki. Sabi nga mismo ni San Lucas na napakalinaw na "sumasakanya ang Panginoon" (1, 66). 

Sabi sa simula ng Unang Pagbasa: "Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya'y paglingkuran" (Isaias 49, 1). Bago pa isilang sa daigdig, alam na ng Panginoon kung sino ang Kanyang pipiliin upang maging tagapaghanda ng daraanang Kanyang tatahakin. Alam rin ng Diyos kung kanino mapupunta ang papel ng tagapagpauna ng ipinangakong Tagapagligtas bago pa siya isilang sa mundo. Kay San Juan Bautista ibinigay ng Diyos ang papel na ito. Naiplano na Niya ito bago pa man ito mangyari. 

Bakit ang pagsilang ni San Juan Bautista sa daigdig ay isang napakahalagang yugto sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan? Dahil sa papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang papel na ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang kanyang kamag-anak na si Hesus ay ang dahilan kung bakit isang napakahalagang kaganapan ang kanyang pagsilang sa mundo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento