10 Hulyo 2021
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-15
Tiyak na may mga magugulat kapag nalaman nilang kung saan matatagpuan ang kaganapang isinalaysay sa Linggong ito sa Ebanghelyo ni San Marcos. Ang pagsugo ng Panginoong Hesukristo sa Labindalawa upang mangaral tungkol sa Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu ay isinalaysay sa Ebanghelyo ni San Marcos kasunod ng salaysay tungkol sa 'di-pagtanggap kay Hesus sa Nazaret, ang bayan kung saan Siya lumaki.
Sariwang-sariwa pa siguro sa alaala ng mga apostol kung paanong si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Tiyak na nababatid nila kung gaano kasakit para sa Panginoong Hesus na hindi tanggapin sa bayan kung saan Siya lumaki. Subalit, agad Niyang isinugo ang mga apostol sa iba't ibang mga lugar sa dakong yaon upang ipangaral sa mga tao ang Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu.
Magugulat siguro ang ilan sa atin sa pangyayaring ito, lalo na kung babasahin natin ang kabuuan ng Ebanghelyo ni San Marcos. Isipin mo, agad na isinugo ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol upang mangaral tungkol sa Mabuting Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu matapos ang 'di-pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Mapapaisip tayo siguro kung hindi iniinda ng Panginoon ang sakit na dulot ng hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret.
Huwag nating kakalimutan na tao rin ang Panginoong Hesus. Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Bilang tao, naranasan rin ni Hesus ang sakit dulot ng 'di-pagtanggap. Batid Niya kung gaano kasakit ito para sa mga tao. Kaya, ang mga apostol ay agad Niyang isinugo sa iba't ibang lugar sa dakong yaon upang ipangaral ang Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu pagkatapos ng napakasakit na hindi pagtanggap sa Kanya sa Nazaret. Kung tutuusin, magkaugnay ang dalawang kaganapang ito. Isinugo ni Hesus ang mga apostol matapos ang hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret upang imulat sila sa posibilidad na hindi sila tatanggapin ng mga tao dahil sa kanilang ipinangangaral. Sa pamamagitan ng pagsugo sa mga apostol upang ipangaral ang Mabuting Balita at magpalayas ng masasamang espiritu sa iba't ibang lugar sa dakong iyon, itinuturo ni Hesus sa kanila na may mga hindi tatanggap sa kanila, sa kanilang ipinangangaral, at sa kanilang ginagawa. Ang ministeryo ng mga apostol, kahit bigay pa iyon ni Hesus, ay hindi tatanggapin ng lahat. May mga mapopoot sa kanila.
Katunayan, ang hindi-pagtanggap sa mga lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi isang bagong karanasan. Naranasan ng mga propeta sa Lumang Tipan kung paanong hindi sila tinanggap ng mga tao dahil sa kanilang tungkulin. Hindi sila tinanggap, kahit na galing pa sa Diyos ang kanilang misyon. Katulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa. Ang mga ipinangangaral ni Propeta Amos ay hindi tinanggap. Ang masaklap pa, si Propeta Amos ay tinawag pang bulaang propeta (Amos 7, 12). Hindi tinanggap ng saserdote sa Betel na si Amasias ang ipinangaral ni Propeta Amos, kahit na ito'y galing sa Diyos. Nagsalita si Amos tungkol sa hatol ng Diyos sa bayang Israel dahil sa pang-aapi sa mga mahihirap at kawalan ng katarungan. Ang ginawa ng bayang Israel noong kapanahunang yaon ay labis na kinasuklaman ng Panginoong Diyos. Subalit, kahit na nagmula sa Diyos ang mga sinabi ni Propeta Amos, may mga hindi tumanggap nito.
Ito rin ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kamatayan ng Panginoong Hesus sa krus ay ang sentro ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoon ay namatay sa krus sapagkat hindi Siya tinanggap ng mga pinunong katulad ng mga Pariseo at ng iba pang mga bumuo sa Sanedrin. Hindi Siya tinanggap ng marami, lalo na ng Sanedrin, dahil sa Kanyang mga ipinapangaral. May ilang mga tumutol at naging kaaway pa Niya. Dahil dito, dumami ang mga banta sa Kanya. Siya pa yung tinawag na banta sa bayang Israel. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin Niyang tiisin at danasin ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay nangyari upang mahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Kahit hindi patag ang daang ito, ito'y pinili pa rin ni Hesus.
Ang bawat isa sa atin ay ipinapaalala na hindi patag ang daang tatahakin natin sa ating misyon bilang mga saksi ni Kristo. Hindi magiging maginhawa ang ating buhay palagi. Marami tayong haharaping pagsubok. Hindi tayo pakikinggan o tatanggapin ng lahat. May mga tututol at hindi magbubukas ng sarili sa atin dahil kay Kristo. Patunay lamang ito na may mga lubak ang daang tinatahak ng mga misyonero ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento